Umalma si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan hinggil sa naging pahayag laban sa kaniya ni Sen. Rodante Marcoleta, na umano’ nainsulto siya sa pagpabor nito sa isang independent comittee para sa imbestigasyon ng flood control project sa Senado.
Sa kaniyang Facebook post nitong Linggo, Agosto 31, 2025, nilinaw ni Pangilinan ang nasabing isyu at iginiit na kulang daw sa research si Marcoleta.
“Una sa lahat, mali-mali ang impormasyon ni Sen Marcoleta. Hindi ako ang nagmungkahi ng Independent Commission at panukalang SB 1215 ito ni Sen Sotto. Kulang siya sa research,” saad ni Pangilinan.
Ang pagsang-ayon at pagsusulong daw ng isang independent committee para sa imbestigasyon ng flood control project ay hindi raw nangangahulugang pagbawalang mag-imbestiga si Marcoleta.
“Hindi natin siya pinipigilan mag imbestiga at hindi nya rin tayo puedeng pigilan suportahan ang panukalang batas ni Sen Sotto na bumuo nga ng independent investigative commission para imbestigahan ang corruption sa flood control projects,” ani Pangilinan.
Si Marcoleta ang pinuno ng Senate Blue Ribbon Committee na siyang nangunguna sa imbestigasyon ng Senado na imbestigahan ang nasabing maanomalyang proyekto.
“Sa halip na ma insulto si Sen Marcoleta sa panukala ni Sen Sotto at pagsuporta ko dito ay galingan na lang nya ang pagiimbestiga nya at patunayan ang husay nya bilang bagong chairman ng Blue Ribbon committee,” saad ni Pangilinan.
Matatandaang nauna nang banatan ni Marcoleta sa isang TV program si Pangilinan kung saan iginit niyang nainsulto umano siya sa pagsuporta nito sa pagkakaroon ng independent committee.
“Ang pagkakaintindi ko d’yan, iniinsulto niya ako. Ako naman, ayaw kong iniinsulto ako. Kaya kung gusto niya akong palitan, magpresenta siya at pakita niya na mas marunong siyang gumawa ng mandatong itinalaga sa committee na ‘yan,” ani Marcoleta.
KAUGNAY NA BALITA: Marcoleta, umalma sa pagpabor ni Pangilinan sa ‘independent flood control probe:’ 'Iniinsulto n’ya ako!'
Kaugnay naman ng nasabing independent committee, nagpahayag na rin ng pagsuporta rito si Senate Committee Vice Chairman Erwin Tulfo at iginiit hindi raw mawawala ang pag-aalinlangan ng taumbayan kung sa kamay pa rin daw ng Senado at Kamara babagsak ang imbestigasyon ng nasabing proyekto.
“The doubts of our people will never go away if Congress and the Senate handle the investigation, since some lawmakers themselves are being linked to this anomaly,” anang senador.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin, suportado rin pagkakaroon ng 'independent body' sa flood control probe