Pumalag si Sen. Panfilo “Ping” Lacson laban kay Sen. Rodante Marcoleta matapos umano siyang tawagin nitong “epal” sa imbestigasyon ng Senado sa isyu ng flood control project.
“Ayoko ng away. Pero kung aawayin niya kami, aawayin ko rin siya!” ani Lacson sa isang radio interview nitong Linggo, Agosto 31, 2025.
Sinasabing nag-ugat ang hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang senador matapos umanong punahin ni Marcoleta ang naging privilege speech ni Lacson kung saan iniladlad nito ang iba pang isyu at umano’y anomalya sa implementasyon ng flood control project.
“Sabi niya pinanghihimasukan namin siya. Walang nanghihimasok dito. Gusto ko lang i-correct ang misimpression na kine-create ni Sen. Marcoleta,” saad ni Lacson.
Si Marcoleta na baguhang senador ang kasalukuyang may hawak ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa flood control project.
Naungkat din ang suhestiyon ni Lacson hinggil sa umano’y pagpapaliban ng blue ribbon committee hearing sa Lunes, Setyembre 1 kaugnay pa rin ng pagpapatuloy ng imbestigasyon sa flood control project dahil sasabay daw ito sa pagdinig ng Development Budget Coordination Committee para sa 2026 national budget.
“Hindi lang naman siya ang pinakikiusapan ko. Ang manifestation ko baka puwedeng ihiwalay na lang ang petsa kase parehong napakaimportante (ng hearing),” saad ni Lacson.
Paglilinaw pa niya, wala rin daw siyang intensyong maliitin ang komiteng pinamumunuan ni Marcoleta.