December 18, 2025

Home BALITA National

KILALANIN: Si dating DOTr Sec. Vince Dizon, bagong kalihim ng DPWH

<b>KILALANIN: Si dating DOTr  Sec. Vince Dizon, bagong kalihim ng DPWH</b>
Photo courtesy: Presidential Communications Office, DPWH (FB)

Itinalaga bilang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) si dating Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon nitong Linggo, Agosto 31, matapos ang pagbibitiw sa posisyon ni Manuel Bonoan sa posisyon, epektibo sa Lunes, Setyembre 1. 

“To lead the DPWH through this critical transition, the President has appointed Transportation Secretary Vince Dizon as the new Secretary of DPWH,” ayon sa ulat ng Malacañang. 

Inaasahan din ng Malacañang na magsagawa ng “full organizational sweep” si Dizon sa DPWH bilang aksyon ng palasyo sa pagtitiyak na magagamit sa mga proyekto ang pondo ng ahensya. 

Dahil dito, sino ba ang iniluklok na bagong kalihim ng DPWH at ano kaniyang mga naging kredensyal? 

National

'Masaganang Pasko!' Lotto ticket na nabili sa Rizal, wagi ng ₱49.1M sa Lotto 6/42!

Si Vivencio “Vince” Dizon ay ipinanganak noong Agosto 18, 1974 sa Quezon City, pero namalagi sa Porac Pampangga noong pagkabata nito. 

Nagtapos siya sa De La Salle University (DLSU), kung saan nakuha niya ang kaniyang Bachelor of Arts degree in Economics at Bachelor of Science degree in Commerce-Management of Financial Institutions nooong 1996. 

Sa nasabing pamantasan din ay nakilala rin ang academic paper niya bilang “Outstanding Thesis in Finance.” 

Mula taong 1998 hanggang 1999, naging recipient ng British Chevening Scholarship si Dizon habang nag-aaral siya sa  University of Reading sa United Kingdom kung saan dito’y nakumpleto niya ang kaniyang Master of Science degree in Applied Development Studies. 

At sa 26 na taon nito na paninilbihan sa gobyerno, ito ang ilan sa mga naging katungkulan ni Dizon:

Taong 1996 hanggang 2004, nanilbihan siya bilang economics research staff member at chief of staff para kay dating senate president Edgardo Angara. 

Naging Vice President for Corporate Communications para sa Strategic Alliance Holdings Inc.– Technologies (SAHI-TECH) noong 2007 hanggang 2007.

Undersecretary for Political Affairs sa Malacañang mula 2011 hanggang 2013. 

At naging Consultant ni dating Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano mula 2013-2016. 

Naging malaki rin ang gampanin ni Dizon sa administrasyong Duterte kung saan naging Presidential Adviser on Flagship Programs and Projects siya nito, President and CEO of the Bases Conversion and Development Authority ng Build Build Build program, at Presidential Adviser and Deputy Chief Implementer against COVID-19. 

Sa kaniya ring kontribusyon sa Build Build Build program at pagresponde ng bansa sa pandemya, nakatanggap si Dizon ng Order of Lakandula, Bayani, na isa sa kinikilala na pinakamataas na pagkilala sa isang sibilyan. 

Naging Chief Regulatory Officer din si Dizon ng Prime Infrastructure bago siya italaga bilang DOTr Secretary noong Pebrero 2025. 

Kung saan, pinangunahan niya ang pagsisimula ng mga large-scale na proyekto tulad ng Metro Manila Subway Project at North-South Commuter Railway System, sa layong paikliin ang oras ng biyahe sa pagco-commute. 

Pinangunahan din ni Dizon ang Public Transport Modernization Program (PTMP) para palitan ang mga tradisyonal na pampublikong sasakyan ng eco-friendly at mas ligtas na mga alternatibo. 

Inimplementa din sa ilalim ng pamumuno ni Dizon sa DOTr ang mandatory drug test para sa mga driver ng mga Public Utility Vehicle (PUV), at ang pagbabawas ng working hours ng Public Utility Bus (PUB) drivers. 

At kamakailan lamang ay inilunsad niya ang mga specialty beep card para sa mga estudyante, senior citizens, at persons with disability (PWD), at ang paggamit ng mga credit, debit, at prepaid cards para sa MRT-3. 

Bukod sa mga posisyong ito, si Dizon ay nagturo din sa ilang pamantasan tulad ng Northern Virginia in Prague, Czech Republic at DLSU. 

Sean Antonio/BALITA