Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng hand, foot, and mouth disease (HFMD) sa bansa, muli itong nadagdagan ng 2, 525 sa loob lamang ng isang linggo, ayon sa Department of Health (DOH).
Mula sa bilang na 37, 368 ng HFMD noong Agosto 9, pumalo ng 39,893 ang kaso ng nasabing sakit pagdating ng Agosto 16, isang linggong pagitan ng paglalathala ng mga bilang ng DOH.
Mga batang nasa edad 1 hanggang 3 taong gulang din ang napaulat na bumubuo sa kalahati ng mga bilang na ito.
KAUGNAY NA BALITA: Nakaaalarma! Kaso ng hand, foot, and mouth disease, 7 beses ang itinaas sa unang kalahati ng taon
Sa kasalukuyan, maglulunsad na rin ng pagpupulong ang healthy learning institution ng DOH para mapag-usapan ang mga posibleng aksyon na isasagawa para sa HFMD prevention and management sa mga eskwelahan.
Bilang dagdag kaalaman, ibinahagi ng DOH na ang HFMD ay isang nakahahawang sakit na maaaring mailipat mula sa laway ng may virus mula sa ubo, bahing, o pagsasalita.
Maaari rin itong makuha sa paghawak sa mata, ilong, o bibig gamit ang kamay na naipanghawak sa kontaminadong bagay.
Kung kaya naman hinihikayat ng ahensya na makipag-ugnayan ang publiko sa mga Local Government Unit (LGU) nito para mapaigting ang patuloy na pagbabantay ng kaso ng HFMD sa iba’t ibang rehiyon.
At dahil mabilis makahawa ang HFMD, nag-abiso itong agad na magtungo at magpakunsolta sa pinakamalapit na healthcenter kung makaramdam ng sintomas ang anak tulad ng lagnat, singaw sa bibig, pananakit ng lalamunan, at mga butlig sa palad at talampakan.
Para naman sa mga mada-diagnose na mayroong mild case nito, dinagdag din ng DOH na panatilihing nasa loob ng bahay ang anak sa loob ng 7 hanggang 10 araw o depende sa rekomendasyon ng doktor.
KAUGNAY NA BALITA: Quezon City LGU, naaalarma sa 636% na pagtaas ng HFMD cases sa lungsod
Sean Antonio/BALITA