December 15, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

Jose Mari Chan at Mariah Carey: Hudyat ng 'Ber Months' sa Pinas

Jose Mari Chan at Mariah Carey: Hudyat ng 'Ber Months' sa Pinas
Photo courtesy: Jose Mari Chan (FB)/Screenshot from Mariah Carey (YT)

BER MONTH NA!

Sa Pilipinas, ang Ber months o mga buwan na may 'ber' mula September, October, November, at December, ay hindi lamang simpleng mga buwan sa kalendaryo.

Para sa mga Pilipino, ito ang opisyal na hudyat ng pinakamatagal at pinakamasayang pagdiriwang ng Pasko sa buong mundo, o kapanganakan ni Hesukristo.

Sa araw bago ang September 1, bukod sa mga karaniwang simbolo ng Pasko gaya ng Christmas tree, Christmas lights, belen, parol, at iba pang mga palamuti, dalawang pangalan ng mang-aawit ang agad na umaalingawngaw: ang Pinoy na si Jose Mari Chan at American singer na si Mariah Carey.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

Bakit nga ba sila ang palaging nauugnay sa Kapaskuhan?

Si Jose Mari Chan, na tinaguriang “Father of Philippine Christmas Music," "Father of Christmas Carols" at "King of Christmas Carols" ay may mga kantang malalim ang naging marka sa puso ng mga Pilipino. Ang awitin niyang “Christmas in Our Hearts” (1990) ay isa nang bahagi ng pagdiriwang sa tuwing Kapaskuhan. Sa bawat tindahan, radyo, o mall, hindi mawawala ang kaniyang tinig na puno ng pag-asa at pagninilay.

Si Mariah Carey naman, sa kabilang banda, ay itinuturing namang “Queen of Christmas” sa buong mundo dahil sa kaniyang awiting “All I Want for Christmas Is You” (1994). Tuwing papalapit ang Disyembre, muling bumabalik ang awit sa global charts, at para sa mga Pilipino, ito ang international counterpart ng kanilang lokal na pamasko. Madalas din itong ginagamit sa parties at gatherings na may kinalaman sa Pasko.

Sa sobrang katanyagan na nga ng dalawa, ginagawan na sila ng memes, na buwan-buwang shine-share kahit na malayo pa ang Ber months.

Sa kabilang banda, kahit sikat na sikat at kinaaaliwan niya ang atensyong ibinibigay sa kaniya, nilinaw ni Jose Mari Chan sa mga panayam noon pa man na hindi raw dapat siya ang ginagawang "simbolo" ng Pasko, kundi ang mismong bida rito: ang Panginoong Hesukristo. Siya raw ang dapat na maging sentro ng pagdiriwang bilang siyang Mesiyas o Tagapagligtas ng sanlibutan.

"I don't like that. I'm just your regular Filipino singer-songwriter who happened to write a song, a Christmas song, that our people both young and old love, so it's a blessing to me and I thank God for that gift," pahayag niya noon. 

Sa isang bansang may pinakamahabang selebrasyon ng Pasko, hindi nakapagtataka kung bakit sina Jose Mari Chan at Mariah Carey ang paulit-ulit na bumabalik. Ang kanilang mga kanta ay hindi lamang background music—ito’y naging bahagi ng tradisyon, kultura, at pagkakakilanlan ng mga Pilipino.