Itinanggi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang mga binatong alegasyon ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa umano’y “ghost deliveries” ng fertilizer subsidy.
“Nauna na nating inamin sa Senado na nagkaroon nga ng delay sa fertilizer deliveries sa Regions 1, 2, at 4B. Kumpirmado at dokumentado ’yan,” aniya sa paglulunsad ng programang ₱ 20 na bigas para sa mga mangingisda sa Navotas Fish Port Complex kamakailan.
“Pero pagdating sa ghost deliveries? Sa ngayon, itinuturing ko ’yan na fake news—walang basehan,” pagtanggi ng kalihim.
Kung kaya’t hinamon niya ang SINAG na makipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) kung may mapapatunayan daw na umano’y “ghost suppliers” ang mga ito.
Ayon sa ulat ng DA, ang mga pahayag ni Laurel ay nagmula sa mga sinasabing “fraudulent transactions” ng SINAG sa distribusyon ng abono sa ilang lugar sa Luzon.
Ipinaliwanag niya na may kasalukuyang 3 suppliers na inoobliga ang DA para kumpletuhin ang delivery ng mga naantalang shipment hanggang Lunes, Setyembre 15.
Idinagdag niyang habang ang ibang dahilan ng pagkaantala ay dahil “justifiable reasons” tulad ng bagyo, walang tigil na pag-ulan, at pagbaha na humadlang sa proseso ng transportasyon at shipping, ang ibang naging dahilan ng suppliers sa ahensya ay hindi katanggap-tanggap.
“Ayon sa suppliers, naantala raw ang dating ng mga abono mula China dahil sa mga nagdaang bagyo, pero para sa akin, hindi iyon sapat na dahilan,” aniya.
At bagama’t binigyan ng palugit ang mga ito para mai-deliver ang shipment, may kahaharapin pa ring parusa ang mga ito.
“Isinasaalang-alang namin ang mga parusa, kabilang ang pansamantalang pagbablacklist sa mga lugar na naapektuhan ng delay,” dagdag nito.
Nang tanungin ang kalihim kung kinokonsidera ba ng ahensya ang pagkakansela ng kontrata, tumanggi siya sa paniniwalang mapapalala lamang nito ang sitwasyon.
“Kung kakanselahin ang mga kontrata, mas lalo pang maaantala ang deliveries. At kung magpapa-bidding muli, malamang ay mas mahal na ang presyo. Nabili natin ang mga abono na iyon sa mas mababang presyo,” paglilinaw niya.
Sa kabila ng mga pangyayari, tiniyak ni Laurel na patuloy nilang babantayan ang mga nasabing naantalang delivery.
Sean Antonio/BALITA