Nagsagawa ng simultaneous tuberculosis (TB) active case finding at libreng screening ang Department of Health (DOH) sa 17 na rehiyon sa bansa noong Sabado, Agosto 30.
Ayon sa Facebook page ng DOH, mahigit 7000 ang bilang ng mga naserbisyuhan ng TB case finding sa 17 rehiyong pinagganapan nito, kung saan layon ng initiatibo na maagang ma-detect ang mga aktibong kaso ng TB at mabigyan ng agarang gamot para mapigilan ang pagkalat at paglala nito.
Bukod sa case finding, nag-rollout din ng Tuberculosis Preventive Treatment (TPT) ang DOH na ipinamimigay sa mga kabahayan na may close contact sa mga may TB.
Kasama rin sa TPT ang mga taong mayroong human immunodeficiency virus (PLHIV) o iba pang high-risk na sakit.
KAUGNAY NA BALITA:
Sa kaugnay na ulat, ginanap sa Cebu City ang kampanyang “TPTodo: Panangga Laban sa TB, Proteksyon ay Garanti,” na isa ring programa ng DOH kontra TB, kung saan, ito’y dinaluhan ng mahigit 600 na katao.
Ang mga nasabing programa ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pagtibayin ang edukasyon at palakasin ang access ng publiko sa serbisyong pangkalusugan laban sa TB.
Dagdag din ng ahensya na patuloy ang libreng TB screening, confirmatory testing, gamutan, at TPT sa mga pasilidad ng TB-DOTS (directly-observed treatment, short-course) sa buong bansa.
KAUGNAY NA BALITA:
Sean Antonio/BALITA