December 13, 2025

Home BALITA

De Lima sa maanomalyang flood control projects: 'Sobra-sobra na ang kawalanghiyaan!'

<b>De Lima sa maanomalyang flood control projects: 'Sobra-sobra na ang kawalanghiyaan!'</b>
Photo courtesy: Leila de Lima (FB), via MB


Maaanghang na pahayag ang binitawan ni dating senadora at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila De Lima ukol sa umano’y maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ibinahagi ni De Lima sa kaniyang X account noong Sabado, Agosto 30, ang kaniyang pagkuwestiyon kung ilang beses na nga bang nakalusot ang isyu na ito patungkol sa mga proyektong pipigil sana sa malawakang pagbaha.

“Ilang beses na kayang nakalusot ang ganitong mga kalokohan,” ani De Lima.

Bahagi pa ng dating senadora, labis na umano ang kawalanghiyaang ito.

“Sobra-sobra na ang kawalanghiyaan,” aniya.

“As we dig deeper into these anomalous flood control projects, we are uncovering more cases of corruption. As recently confirmed by Sec. Bonoan himself, there are also what he described as “half-ghost projects” or those that were only partly finished,” dagdag pa niya.

Inilahad din niyang base sa imbestigasyon, may mga proyektong tapos na, ngunit pinopondohan pa rin.

“Sa atin ding mga konsultasyon sa pagsusuri sa budget, nalaman din natin na may mga nakumpleto nang proyekto, pero nilalagyan pa rin ng pondo,” anang dating senadora.

“We will raise about these questionable items at the DPWH budget hearing, and they must be corrected. The same goes for all other government agencies—there should be no such questionable or highly suspicious entries sa ating Pambansang Budget,” dagdag pa niya.

Aniya pa, dapat na mapanagot kung sino man ang mga nasa likod ng mga isyung ito.

“Wala na dapat makalusot at dapat mapanagot ang mga garapal na nasa likod ng ganitong lantarang pagnanakaw sa pera ng taumbayan,” aniya.

Matatandaang dininig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Agosto 19 ang isyu ng flood control projects kung saan humarap si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel Bonoan upang sagutin ang imbestigasyon ukol dito.

KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA