December 15, 2025

Home SHOWBIZ

Bianca Gonzalez, may bagong hirit sa mga nangungurakot ng buwis

<b>Bianca Gonzalez, may bagong hirit sa mga nangungurakot ng buwis</b>
Photo courtesy: Bianca Gonzalez Intal (X), MB


Paumanhin ang hingi ng "Pinoy Big Brother" host Bianca Gonzalez sa mga Pilipinong lubos na apektado ng malawakang baha sa Metro Manila dulot ng pagbuhos ng ulan.

Ibinahagi ni Bianca sa kaniyang X account nitong Sabado, Agosto 30, ang panghihingi nito ng “sorry” sa lahat ng mga taong naunsiyami ang biyahe matapos bahain ang maraming lungsod kahit pa kakaunti umano ang pag-ulan.

“[S]o sorry to everyone stuck on the road dahil sa baha pagkatapos ng k[au]nting ulan,” ani Bianca.

Aniya pa, nararapat na panagutin na ang mga taong nasa likod ng problemang ito na kinahaharap ng maraming Pilipino.

“[I]t’s really time to hold accountable ‘y[o]ng mga nangungurakot ng buwis natin na dapat para sa flood control. [Huw]ag nating palampasin at kalimutan after years of letting these issues pass,” aniya.

KAUGNAY NA BALITA: 'Sana sa efficient public transport napupunta bilyong buwis kaysa sa ghost flood control projects!'—Bianca Gonzalez-Balita

Umani naman ng reaksiyon at mga komento ang nasabing X post ni Bianca.

“Sana magising na talaga ang mga kababayan nating botante. Tanggalin na nila ang ugaling pag boto sa mga kurakot!”

“Dapat talaga kinukuyog na sila. Ang kakapal ng mga mukha.”

“Ito yun nakakalungkot pagod ka na sa trabaho. Pag labas mo taas pa ng tubig alam mo yun wala ka na masakyan di mo pa alam paano ka uuwi. Nakakalungkot talaga isipin na yun pinagpapaguran natin di man lang natin makita or maramdaman.”

“Totoo, and nakakalungkot pa nyan, hindi mareresolba ang flood issue in the next 10 years, kailangan muna ng Pilipinas ng reform.”

“Gumising ka Pilipinas ipagtanggol Ang iyong bayan na aming minahal pilit nilang kinukurakot Ang buwis na dapat saamin”

Matatandaang nagbigay din kamakailan ang TV host ng kaniyang mga pahayag ukol sa mga Pilipinong nagtatrabaho nang marangal, pati na rin sa ghost flood control project funds na sana ay ginamit na lang upang ayusin ang public transport sa bansa.

MAKI-BALITA: Bianca pinuri mga nagtatrabahong marangal araw-araw, may wish sa mga nagwaldas ng buwis-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA