January 04, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang pagtalakay sa buhay ng nag-iisang 'Kampeon ng Masang Pilipino'

<b>BALITAnaw: Ang pagtalakay sa buhay ng nag-iisang 'Kampeon ng Masang Pilipino'</b>
Photo courtesy: Ramon Magsaysay Award Foundation (Website)


Mula kay Emilio Aguinaldo hanggang kay Ferdinand Marcos Jr., nagkaroon na ang Pilipinas ng labimpitong presidente, kung saan dalawa rito ay babae. Sa labimpitong ito, sila ay mayroong sari-sariling istilo ng pamamahala at kaugalian; ngunit namumukod-tangi ang isa sa kanila.

Namumukod-tangi ang dating pangulong ito sapagkat tanyag ito sa kaniyang panahon. Hindi dahil dala ng karangyaan o pagiging malupit, kung hindi dahil sa ipinamalas nitong dalisay na puso at pagka-Pilipino.

Ipinagdiriwang ngayong Linggo, Agosto 31, ang ika-118 taong kapanganakan ni dating Pangulong Ramon F. Magsaysay, kilala sa bansag na “Kampeon ng Masang Pilipino.”

Si Magsaysay ang ikapitong presidente ng bansang Pilipinas, na nanilbihan noong 1953 hanngang 1957. Dahil laki sa hirap ng buhay, ipinamalas ni Magsaysay ang payak at tahimik na buhay. Dahil sa mga karanasang pinagdaanan sa nakaraan, naunawaan niya ang pangangailangan ng masang Pilipino, kung kaya’t ito ay ang kaniyang naging prayoridad.

Bago pa man maging pangulo, si Magsaysay ay lumaki sa Iba, Zambales kasama ang kaniyang amang si Exequel Magsaysay, na isa umanong panday, at inang si Perfecta del Fierra. 

Dahil sa naising maging ininhyero, kinuha niya ang kursong inhinyerong mekanikal sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Sa hindi malamang dahilan, napagpasiyahan niyang lumipat sa Jose Rizal Colleges at doon kinuha ang kursong komersyo na kaniyang natapos noong 1932.

BALITAnaw

BALITAnaw: Mga salitang sumabog, pumatok, umusbong sa bibig ng bayan nitong 2025!



Hindi nagtapos ang hangarin ni Magsaysay na maging isang ininhyerong mekanikal sapagkat matapos nitong mag-aral, nagtrabaho ito bilang isang mekaniko sa Teodoro R. Tanco Transportation Company, o mas kilala bilang Try Tran Co. Sa kabutihang palad, siya ay naging manadyer ng nasabing kompanya bago pa man sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Naging tanyag na lider ng kilusang gerilya si Magsaysay, at kinatagalan ay naging gobernador militar ito ng Zambales, kung saan nagsimula ang pagpasok ni Magsaysay sa mundo ng politika.

Naging matunog ang kaniyang pangalan hanggang siya ay hiranging kalihim ng tanggulang bansa ni dating Pangulong Elpidio Quirino, at kalauna’y umanib sa Partido Nacionalista.

Siya ang piniling kumandidato bilang presidente ng Pilipinas matapos ang termino ni Quirino, at tuluyan nang naluklok sa puwesto noong 1953.

Dahil sa kabutihang-puso at pagiging malapit sa mga Pilipino, naging tanyag din siya sa katagang “Idolo ng Masa.”

Nang naaksidente ang kaniyang sinasakyang eroplano noong 1957, nasawi ang dating pangulo at nagluksa ang buong sambayanan sa pagkawala nito.

Ipinakita ni Magsaysay ang tunay na pagmamahal sa masang Pilipino, kung kaya’t magpasahanggang ngayon ay kinikilala ang kaniyang serbisyo sa bayan.

Bilang paggunita sa kaniyang kadakilaan, isinilang ang “Ramon Magsaysay Award” bilang pagkilala sa mga taong ipinakikita ang tunay na puso para sa mamamayang Pilpino, ang paggunita sa malinis na intensyong pamahalaan ang bayan, at ang tapang na ipaglaban ang nasasakupan.

Halos pitong dekada na noong nasawi si dating pangulong Magsaysay, ngunit nakakabit pa rin sa kaniyang pangalan ang sagisag ng pagkapilipino, dalisay na puso para sa masa, at ang tunay na depinisyon ng serbisyo publiko.

Vincent Gutierrez/BALITA