December 16, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang pag-alala sa ‘The People’s Princess’ na si Princess Diana

<b>BALITAnaw: Ang pag-alala sa ‘The People’s Princess’ na si Princess Diana</b>
Photo courtesy: British Heritage Organization (Website), Royal US Today UK (Website)


Sino nga ba ang hindi nakakakilala sa umano’y pinaka-minamahal na miyembro ng British royal family?

Sa kabutihang puso niyang taglay, sa ganda, at sa legasiya nito, hindi maikakailang lahat ay hinahangaan si Princess Diana, o binansagan ding “The People’s Princess.”

Si Diana Frances Spencer o mas kilala bilang si “Princess Diana” ay isinilang noong Hulyo 1, 1961. Siya ay parte ng British royal family, sapagkat siya ay anak nina Edward John Spencer, ang Viscount Althorp, at ni Frances Ruth Burke Roche, na kinilala rin bilang si Honorable Frances Shand Kydd.

Siya rin ang unang asawa ni Prince Charles, ang kasalukuyang Hari ng United Kingdom. Nagkaroon sila ng dalawang supling na kinilala bilang sina Prince William at Prince Harry.


Nagpakasal sila noong Hulyo 29, 1981, hanggang sa legal na naghiwalay noong 1996.

Tanyag si Princess Diana dahil sa “humanitarian efforts” nito at sa pagiging malapit sa taumbayan, sa kabila ng kaniyang pagiging prinsesa.

Umani ng papuri mula sa buong mundo ang kaniyang hindi malilimutang ginawa tulad ng pakikipagkamay niya sa isang lalaking mayroong Acquired Immunodeficiency Syndrome (AIDS) noong 1987. Dahil sa kaniyang ginawa, gumawa ito ng ingay upang puksain na ang “stigma” pagdating sa mga taong nakararanas ng nasabing sakit.

Binisita niya rin ang ilang pasyenteng may “leprosy,” at hinawakan sila at ang kanilang mga sugat, upang ipaalam na ang sakit ay hindi nakakahawa dahil lang sa simpleng pagdikit o paghawak sa kanila. Binuksan ni Princess Diana sa publiko ang kaniyang “The Leprosy Mission” at inikot ang iba’t ibang bansa upang tulungan ang mga humaharap sa naturang sakit.

Nakilala pa lalo ang prinsesa dahil sa kaniyang dedikasyon sa pagtulong ay nang personal niyang bisitahin ang isang “active landmine” sa Angola, noong Enero 15, 1997. Sa paraang ito, mas nabigyang-diin ang panganib na dala nito sa tao at naging bukas ang mga awtoridad at iba pang institusyon upang iligtas ang mga nakapalibot na tao rito.

Ngunit sa kabila ng kaniyang kabutihan, hindi rin nagtagal ay naging mapaglaro ang buhay at tadhana para kay Princess Diana.

Nagluksa ang mundo matapos mabalitaang pumanaw sa isang “car accident” ang prinsesa noong Agosto 31, 1997.

Maraming espekulasyon ang nabuo, ngunit mas nangibabaw ang pagluluksa at pagdadalamhati ng mga tao dahil sa pagpanaw ng “The People’s Princess.”

Dalawampu’t walong taon na nang pumanaw si Princess Diana, ngunit hindi pa rin nalilimutan ang kaniyang kabutihan at pagmamahal na inalay sa mga tao, na hinangaan sa buong mundo.

Vincent Gutierrez/BALITA

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ano ang istorya sa likod ng ‘Balangiga Bells’ at ang sinisimbolo nito sa kasaysayan?