December 16, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Kung patuloy na mawawalan ng interes ang marami sa wikang Filipino, maaari kaya itong maglaho?

#BalitaExclusives: Kung patuloy na mawawalan ng interes ang marami sa wikang Filipino, maaari kaya itong maglaho?
Photo courtesy: G. Russel B. Laude

Ang propesyon na pagiging guro ang isa sa maituturing na may malaking pasanin para sa ikauunlad ng isang pamayanan maging ng isang bansa bilang kabuuhan. 

Lagi’t laging atang-atang ng mga guro sa kanilang balikat ang hinaharap ng susunod na henerasyon ng mga kabataang bubuo sa malaking sistema ng lipunan sa panahon na sila ay makapagtapos. 

Higit sa ano pa man, nariyang hindi maikukubli ang paggamit ng wikang Filipino bilang pangunahing instrumento para maituro ng mga guro ang mga araling nakasulat sa teksto sa iba’t ibang mga asignatura. 

Maging sa agham, matematika, pilosopiya, pagpapakatao, at iba pa ay nagsisilbing behikulo ang sariling wika natin upang mas mapadaling maintindihan ng mga mag-aaral ang disiplina sa mga asignaturang nabanggit. 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

Ngunit paano kung ang mga Pilipinong mag-aaral mismo ay nahahantong sa problemang tangkilikin ang sariling wikang Filipino? 

Sa isang eksklusibong panayam, nagkaroon ng pagkakataong makapanayam ng Balita ang isang guro sa Filipino at 15 taon nang nagseserbisyo sa isang pampublikong paaralan sa Atimonan, Quezon na si Ginoong Russel B. Laude. 

Araw-araw, anim na section sa ikapitong (7) baitang at aabot sa 231 bilang ng mga mag-aaral ang kaniyang tinuturuan sa Atimonan National Comprehensive High School. 

Isa sa mga natukoy ni Sir Russel ay ang bagay na napansin niya na lubhang nakaapekto sa pagkawala ng interes ng mga estudyante sa pagtangkilik ng wikang Filipino. 

“Napakalaki ng naging epekto ng pandemya sa pagtangkilik at paggamit ng wika lalo’t higit sa mga mag-aaral. Dahil naging sandigan nila ang social media. At ang mga mag-aaral ay nagtuon o nag-focus sa social media networking sites[...]” saad ni Sir Laude

Dagdag pa ng guro, ikinalulungkot niya ang pangyayari noong pandemya dahil nagdulot ito ng agwat sa antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral at pagpasa ng mga estudyante patungo sa mas mataas na baitang kahit marami pa umano ang hindi nakapagbabasa at ganoong kahusay sa paggamit ng wika.  

“Ganoon din, nagkaroon din ng gap o agwat sa pagkatuto nila at nakakalungkot isipin na marami ‘yong mga nakapapasa at tumaas ang antas ng grado na hindi pa marunong magbasa at hindi pa ganoong kahusay pagdating sa paggamit ng wika [Filipino],” anang guro. 

Sa pagpapatuloy ng panayam kay Sir Russel, napag-usapan din na may mga nakalaang aktibidades ang kanilang paaralan mula sa mga ibinababang memorandum ng Department of Education (DepEd) mula sa regional patungo sa kanila partikular sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong Agosto. 

“Ang pagdiriwang ng wika sa aming paaralan ay alinsunod sa ibinababang memorandum ng DepEd at ito ay dumaraan sa memo mula sa Regional office. At nagkakaroon ng Division memo kung saan doon namin ibinabatay ang mga activity na ginagawa namin tuwing Buwan ng Wika[...]” ayon kay Sir Russel. 

Aniya, malaki pa rin naman ang porsyento sa bilang ng kaniyang mga tinuturuan ang nakikiisa sa mga aktibiti at gawain na kanilang isinasagawa patungkol sa pagdiriwang Buwan ng Wika. 

“Halimbawa, ang pagsali sa mga patimpalak na maaari nilang pagkunan ng karagdagang puntos, nakabatay roon ang kanilang partisipasyon. Pero sa kabuuan, marami pa naman ang mga estudyante ang aktibo sa mga partisipasyon sa mga activity ng Buwan ng Wika,” paglilinaw ni Sir Russel.

Inisa-isa niya rin ang mga kadalasang ginagawa ng mga mag-aaral upang mas mapalapit sila sa wikang Filipino at tangkilikin ang ibang mga bagay kaugnay rito.

“Kagaya halimbawa ng mga pagsulat ng sanaysay, pagsulat ng tula, slogan, at poster making contest,” ayon kay Sir Russel. 

Ngunit sa mahigit 20 taon na pagseserbisyo ni Sir Russel sa pribado at pampublikong paaralan, napansin niyang tunay na nababawasan ang interes ng mga mag-aaral sa mga gawaing may kinalaman sa paggamit ng sariling wika. 

“Sa aking obserbasyon, nababawasan talaga ang interes ng mga mag-aaral pagdating sa mga gawain na may kinalaman sa paggamit ng sariling wika,” aniya. 

Pagpapatuloy ng guro, “[I]to ay bunga ng modernisasyon [at] gayon na rin ang epekto ng social media sa kanila. Dahil ang mga kabataan ngayon ay babad sa social media. Kaya kadalasan [ay] marahil gumagamit sila ng sariling wika natin pero ito ay mayroon nang impluwensya ng mga wikang kadalasan ay nakikinig nila sa social media[...]”

Ayon pa kay Sir Russel, nilinaw niyang hindi sapat ang isang buwan ng Agosto upang dito lamang pagtuunan ang halaga ng wikang Filipino.

“Sa aking palagay [ang] isang buwan ay hindi sapat sa selebrasyon [ng Buwan ng Wika]. Dapat ginagawa ito araw-araw, buwan man ng Agosto o hindi. Dapat ito ay buong taon pinaiigting, ginagamit, pinauunlad at higit sa lahat, binibigyan ng pagpapahalaga. [Dahil] ang sariling wika natin ang repleksyon at nagpapakita ng ating pagiging Pilipino,” ‘ika ng guro. 

Bago matapos ang panayam, nag-iwan ng mensahe si Sir Russel para sa lahat ng mga mag-aaral na pahalagahan ang wikang Filipino buwan man ng Agosto o hindi. 

“Ang mensaheng gusto kong iwan sa mga mag-aaral[...] ay hindi man Buwan ng Wika o Agosto ay mahalagang minamahal, ginagamit, pinahahalagahan, at isinasabuhay ang iniwan ng ating mga bayani na may kinalaman sa pagtataguyod ng ating wikang pambansa. 

“Lalo’t higit kay Manuel L. Quezon na kinikilalang Ama ng Wikang Pambansa. Napakahalaga na isabuhay natin ang pagmamahal at pagtangkilik natin sa sarili wika,” pagtatapos ng guro. 

Ang kagaya ni Sir Russel ay representasyon ng mga marami pang guro sa Filipino sa Pilipinas na patuloy na isinusulong at pinahahalagahan ang wikang Filipino sa kabila ng panganib nitong kinakaharap dahil sa lumalabsay na pagtangkilik mismo ng mga Pilipino sa kaniyang wika. 

Ngunit hangga’t may mga taong pipiliing maging tumindig para sa pagsusulong sa pagpapayabong ng sariling wikang Filipino, hinding hindi ito mauupos. 

Daynamiko ang wika, ‘ika nga. Nagbabago ito sa paglipas ng panahon. Maaari itong mamatay kung lilimutin at hindi na tatangkilikin. 

Kaya kung patuloy na mawawalan ng interes ang marami sa wikang Filipino, hahayaan mo pa ba itong maglaho? 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Mga posibleng solusyon sa mga suliraning pangwika, inisa-isa ng KWF Ulirang Guro sa Filipino 2021

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Pagdiriwang ng Buwan ng Wika, may halaga pa rin ba?

Mc Vincent Mirabuna/Balita