December 15, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: 'Hindi lang pang-Agosto ang pagdiriwang sa wika!'—KWF Ulirang Guro sa Filipino 2017

#BalitaExclusives: 'Hindi lang pang-Agosto ang pagdiriwang sa wika!'—KWF Ulirang Guro sa Filipino 2017
Photo courtesy: Dr. Winnaflor Gaspar

Sa pagwawakas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025, ipinagdiinan ni Dr. Winnaflor G. Gaspar, 38 taong gulang,  isang Master Teacher I sa Ramon Magsaysay Cubao High School at kinilala bilang Ulirang Guro sa Filipino ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2017, na hindi magtatapos sa Agosto ang pagmamahal at pagpapahalaga sa wikang pambansa at mga katutubong wika. 

Bukod sa kaniyang dedikasyon sa pagtuturo, siya rin ang President at CEO ng Pambansang Samahan ng mga Propesyonal at Mananaliksik sa Pilipinas. Sa loob ng kaniyang karera, nakatanggap siya ng maraming parangal at pagkilala mula sa iba’t ibang institusyon sa lokal, pambansa, at maging sa pandaigdigang antas. Kabilang dito ang pagiging finalist sa Metrobank Foundation Search for Outstanding Filipinos noong 2022, Natatanging Guro sa Panahon ng Pandemya (2022), at Most Exemplary Educator for Filipino Language (2021) sa Gintong Parangal.

Kabilang din sa kaniyang mga natamong prestihiyosong gantimpala ang mga pandaigdigang pagkilala mula sa Global Leaders and Educators Award at Global Education Summit and Awards, kung saan kinilala siya sa larangan ng pamumuno, panitikan, at sining.

Sa kabila ng kaniyang maraming tagumpay, nananatili siyang huwaran ng dedikasyon, sipag, at malasakit sa wika, edukasyon, at kulturang Pilipino—isang tunay na ehemplo ng guro na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanyang mga mag-aaral at kapwa guro.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dr. Gaspar, ipinaliwanag niya ang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa taong ito.

"Ang tema ng Buwan ng Wika 2025 na 'Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa' ay nangangahulugang pagka-Pilipino," turan niya.

"Sapagkat ang Pilipinas ay nagtataglay ng mga wika na nakalulungkot mang sabihin ay nagiging endangered na. Marahil ang ilan sa atin ay nakalimot na sa mga wikang sinasalita ng mga katutubo."

"Gayunduin, ayon sa tala ng KWF ay may 40 nanganganib na wika. Ang mga wikang ito ay pagkakakilanlan ng bawat Pilipino na umuugat sa kasaysayan ng ating bansa. Higit na kailangang linangin ang Filipino at ang katutubong wika upang umigting ang ating pagka-Pilipino," dagdag pa niya. 

Natanong din ang ulirang guro kung ano-ano sa tingin niya ang mga isyu, sagabal, o suliraning kinahaharap ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa kasalukuyan. 

Aniya, "Ang wika ay buhay at patuloy na umiinog. Maraming umuusbong na wikang sinasalita ng bawat panahon tulad ng mga gay lingo, Gen Z words at tayo ay may mga varayti ng wika. Kaya nalilimutan na natin ang mga katutubong wika dahil lamang sa pagsabay sa pagbabago ng panahon."

Bilang isang ulirang guro sa Filipino ng KWF, ano-ano naman ang mga mungkahi o panukalang solusyon sa mga nabanggit niyang problema?

Nagbigay si Dr. Gaspar ng apat na solusyong maaaring ikonsidera upang malapatan ng lunas ang mga nabanggit niyang puwang o sabagal sa pag-usbong at paglinang sa wika. 

"Iminumungkahi ko na bilang mga alagad ng wika, panitikan at kultura, patuloy nating (1) ibahagi sa ating klase o mag-aaral ang kahalagahan ng paggamit o pag-alam sa mga katutubong wika (2) Patuloy tayong lumikha ng mga palihan na may kaugnayan dito (3) ibahagi ang mga pananaliksik na isinasagawa o naisagawa na tungkol rito upang mas marami pa ang makaalam (4) bukas na forum para sa kabatirang panlahat," aniya. 

RELEVANCE NG WIKANG FILIPINO AT MGA KATUTUBONG WIKA SA KASALUKUYAN

Nausisa rin ang ulirang guro kung sa palagay niya, relevant pa ring gamitin ang wikang Filipino at mga katutubong wika, sa kabila ng hindi maitatangging modernisasyon at pagpasok ng mga banyang wika sa "dila ng bayan."

"Naniniwala akong meron pa. Sapagkat sabi nga, ito ay nakadikit na sa ating kultura."

"Hindi lang natin sinusubukan pero mas ma-appreciate ng kabataan ang wika kung sila ay may malalim na pag-unawa rito. "

Bakit kailangang mapaghusayan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mag-aaral, ang paglinang at paggamit sa wikang pambansa at mga katutubong wika?

"Alam natin na sa panahon ngayon lalo na kapag pinag-uusapan ang globalisasyon, palaging English ang dapat matutuhan para makasabay sa mabilis na takbo ng panahon. Ngunit bilang isang Pilipino, mas magiging mahusay tayo sa english kung matatas tayo sa Filipino," sagot niya.

"At kung may malalim na pagpapahalaga ang mga mag-aaral sa ating mga katutubong wika, hindi mamamatay ang ating katutubong wika," dagdag pa niya. 

MENSAHE PARA SA LAHAT

Bilang isang ulirang guro sa Filipino, nag-iwan siya ng mensahe para sa mga kapwa Pilipino para sa pagtatapos ng pagdirieang ng Buwan ng Wikang Pambansa. 

Dito ay sinabi niyang hindi lamang sa buwan ng Agosto nagtatapos ang pagpapahalaga at pagmamahal sa wika.

"Hindi lamang tuwing Agosto dapat ipagdiwang ang wikang pambansa. Bilang isang Pilipino, marapat nating mahalin, linangin at paalabin ang wikang Filipino araw-araw. Dahil walang ibang magmamahal sa ating Wika kundi tayong mga Pilipino laamang," giit niya.

Pangwakas niyang pahayag, "Patuloy tayong lumikha, patuloy nating isulong ang Wikang filipino, MABUHAY ANG PILIPINO AT ANG WIKANG PAMBANSA."

Saludo kami sa iyo, Dr. Winnaflor G. Gaspar!