Tila seryoso ang hirit ng stand-up comedian na si Alex Calleja patungkol sa buwis na napupunta lang umano sa bulsa ng mga buwaya.
Sa isang Facebook post ni Alex noong Sabado, Agosto 30, inisa-isa niya ang sangkatutak na tax na kinakaltas sa bawat Pilipino.
“May income tax, VAT at witholding tax. May tax sa bawat serbisyo. May tax sa mga binibili natin sa tindahan o grocery. May travel tax! May tax sa panunuod ng sine. Sa yosi at alak may tax. Yung birthday show ko sa October, nagbayad din ako ng tax. May tax sa hospital at may tax sa gamot,” saad ni Alex.
Dagdag pa niya, “Kulang na lang pagumutot ka at tumae ka, may tax! Tapos napupunta lang sa bulsa ng mga buwaya!!!”
Kaya naman hindi na rin napigil ng komedyante na buweltahan ang mga nagsasabing magpatawa na lang daw siya at huwag na makisawsaw pa sa politika.
“Tapos sasabihin niyo magpatawa na lang ako dahil komedyante lang naman ako! Ang laki ng tax na binabayad natin Pilipinas! Magalit naman tayo!” dugtong pa ng komedyante.
Matatandaang nagsimulang maungkat ang isyu ng korupsiyon sa gobyerno matapos matuklasan ang kaugnayan ng mga personalidad sa mga politikong sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Basahin: ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'
Kaya naman sa isang press briefing na ginanap sa Palasyo kamakailan, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang lifestyle check sa mga opisyal ng gobyerno habang gumugulong ang imbestigasyon sa proyektong pipigil sana panganib na dulot ng pagbaha.