Nasaksihan sa iba’t ibang bahagi ng Quezon City ang mabilis at matinding pagbaha dulot ng malakas na buhos ng ulan noong Sabado ng hapon, Agosto 30, 2025.
Walang bagyo, bagama’t may abiso ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Low Pressure Area (LPA), malinaw nitong iginiit na hindi ito magiging tropical depression.
Pero ang QC? Mistulang naging malawak na ilog sa loob lamang ng maikling oras.
Paliwanag ng Quezon City Government sa kanilang opisyal na pahayag sa kanilang Facebook page noong Sabado, kakaiba ang bahang sinapit ng kanilang lungsod dahil sa kakaiba ring buhos ng ulan.
Ayon sa kanila, batay raw sa pinagsama-samang analysis ng UP Resilience Institute, UP Noah Center, PAGASA at IRISEUP ng QC government, pambihirang buhos ng ulan daw ang naranasan sa kanilang lugar at karatig lungsod sa Marikina.
“Mas mataas kaysa sa Ondoy”—ganiyan inilarawan ng QC government ang dinanas nilang pag-ulan.
“Umabot sa 121 millimeters sa loob lamang ng isang oras ang kasagsagan ng ulan kanina sa Quezon City, higit na mataas kaysa sa pinakamataas na lakas ng ulan sa loob ng isang oras noong panahon ng Bagyong Ondoy (~90 mm/oras),” anang kanilang opisyal na pahayag.
Bunsod nito, tinatayang nasa 36 mula sa 143 barangay ang naapektuhan ng pagbaha. Hindi rin daw kasi kinaya ng kanilang drainage system ang buhos ng ulan sa loob lamang ng maikling oras, na siyang nagresulta ng malawakang pagbaha.
Sa kabila nito, nanindigan ang QC government na patuloy daw ang pagsasaayos ng drainage system sa kanilang lungsod.
“Ang agaran at tuloy-tuloy na pagsasaayos ng drainage system ang sinisikap nating solusyunan base na rin sa isinasaad ng Drainage Master Plan (DMP) ng lungsod,” anang pamahalaan ng lungsod.
Kasabay ng mabilis na paglubog ng QC ay ang tila mas lalo namang paglutang ng isyu ng flood control project. Ang kontrobersyal na proyektong nauna na umanong bahain ng korapsyon.
Maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., aminadong nagkaroon ng pananamantala sa implementasyon nito.
“Huwag na po tayong magkunwari, alam naman ng buong madla, na nagkakaraket sa mga proyekto. Mga kickback, mga initiative, errata, SOP, for the boys. Kaya sa mga nakikipagsabwatan upang kunin ang pondo ng bayan at nakawin ang kinabukasan ng ating mga mamamayan, 'Mahiya naman kayo sa inyong kapuwa Pilipino!” ani PBBM sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA).
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Ang pagpuna ng Pangulo, nasundan ng paglulunsad ng isang website na tinawag na “Sumbong sa Pangulo,” isang flood control tracker na maaaring direktang pagsumbungan ng taumbayan hinggil sa mapapansing mga anomalya sa konstruksyon ng mga flood control project.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sumbong sa Pangulo' flood control tracker, inilunsad ni PBBM: 'Ako mismo ang babasa!'
Mismong ang Pangulo rin ang nagpangalan sa mga kontraktor na tumabo ng limpak-limpak na pondo para sa mga proyektong kung hindi nasimulan ay hindi natapos. At kung natapos man, ang iba naman ay nangangailangan na ulit ng pagkumpuni.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisid ng Senado sa lalim ng isyu ng flood control project. Ikaw ka-Balita, ano sa tingin mo ang unang mapapalutang upang malutas ang naturang isyu sa baha?