Aprub ang karamihan sa mga netizen sa X post ni "Pinoy Big Brother" host Bianca Gonzalez sa tila pagsaludo niya sa mga taong marangal na nagtatrabaho sa araw-araw.
Aniya sa kaniyang post sa X noong Biyernes, "good job" daw ang lahat ng mga nagtrabaho nang marangal matapos mapagtagumpayan ang isang buong linggo ng pagtatrabaho.
"Good job sa lahat ng nagtatrabahong marangal sa araw araw, napagtagumpayan nanaman natin ang isang linggo," aniya.
Bukod dito, hangad daw niyang managot ang mga taong nagwaldas ng buwis o pera ng taumbayan sa kanilang pansariling interes.
"Nawa'y managot sa takdang panahon ang mga taong winawaldas sa pansariling karangyaan ang pinaghihirapan nating bayaran na walang katapusang buwis," aniya.
Bukod dito, sumundot pa ulit ng post si Bianca patungkol naman sa maanomalyang flood-control projects.
Sana raw, mas ilaan na lamang daw ang pondo sa pagpapabuti ng public transportation system sa bansa.
"Tapos ang haba ng pila sa sakayan on a Friday night, umuulan pa, matindi ang traffic, at may bonus pang baha.... pagod na sa trabaho, mas pagod pa pag-uwi!"
"Sana sa efficient public transport napupunta ang billions of taxpayers money kaysa sa ghost flood control projects, no?" pahayag pa ng host.
Bukod dito, nauna nang magbigay ng kaniyang saloobin si Bianca hinggil naman sa mga anak ng umano'y corrupt officials na nagbabantad sa publiko ng kanilang lavish lifestyle.
Aniya, "my feed filled with posts on the lavish lifestyle of kids of corrupt officials.... and here we are, mga walang generational wealth o nakaw na yaman, na kumakayod araw araw, na minsa'y nahihiya pa magpost ng travel o ng nabili kasi baka 'mayabang' ang dating paano ba to."
Mainit ang usapin ngayon sa akto ng korupsyon, lalo na pagdating sa bilyong pondo sa flood-control projects, sa alegasyong nagsasangkot sa ilang mga contractor na kinuha ang serbisyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Marami kasi sa mga proyekto ng DPWH ay napag-alamang "ghost" projects lamang.
Kaugnay nito, nadadamay na rin sa shaming ang mga tinaguriang "nepo babies" o anak ng mga nasasangkot na contractors na umano'y ipinangangalandakan sa social media ang kanilang "lavish lifestyle."
KAUGNAY NA BALITA: Bianca pinuri mga nagtatrabahong marangal araw-araw, may wish sa mga nagwaldas ng buwis