Nagkomento si dating Presidential Spokesperson Harry Roque patungkol sa mga anak ng politiko at kontraktor hinggil sa isyu ng kanilang “lavish lifestyle” mula umano sa kaban ng bayan.
Sa kaniyang Facebook post noong Biyernes Agosto 29, 2025, iginiit ni Roque na tila asido raw sa sikmura ang klase ng pamumuhay ng "nepo babies."
"Parang nakaka-asido sa sikmura kapag nakikita mo ’yung mga anak ng kontraktor at politiko na parang lumaki sa “hardship”—hardship ng pagpili kung alin sa mga bagong kotse ang ipapark sa garahe ng mansion," ani Roque.
Ikinumpara din niya ang ibang taong literal na kumakayod para sa kanilang mga anak, kumpara raw sa kanilang mga kayamanang mula sa buwis at proyekto ng bayan.
"Habang ang iba kumakayod para may pang-baon ang anak, sila naman nagpo-pose ng Rolex, Gucci sa Instagram, proud na proud sa kayamanang malinaw na hindi pinaghirapan ng sarili nilang pawis kundi ng buwis at proyekto ng bayan," saad ni Roque.
Dagdag pa niya, "Ang mas masakit, mas inuuna pa nilang ipagyabang kaysa isipin kung saan galing at sino ang tunay na nagbayad para sa luho nila."
Matatandaang umusbong ang malawakang pagpuna sa tila "lavish lifestyle" daw ng mga nepo babies o mga anak ng kontraktor at politko matapos ang pagputok ng umano’y isyu ng korapsyon sa flood control project at ang talamak na political dynasty sa bansa.
Ang “nepo babies” ay ibinansag sa social media para sa mga anak ng mga politiko o kamag-anak ng mga politikong tila nagpasalin-salin na lamang ng iba’t iba o hindi naman kaya’y iisang posisyon sa politika.
Subalit, hindi lamang ito naging limitado sa politika. Maging sa iba’t ibang sektor at industriya, karaniwang nababansagang “nepo babies” ang mga indibidwal o personalidad na tila nakatatanggap daw ng pribilehiyo dahil sa posisyon, estado, at pangalan ng kanilang mga magulang.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'