Taon-taon tuwing ika-30 ng Agosto, ipinagdiriwang ang National Press Freedom Day para sa lahat ng mga mamamahayag at institusyong pangmidya.
Simula pa sa matagal na panahong lumipas hanggang sa panahong kasalukuyan, matagal nang sumasalungat sa agos ang maraming mamahayag sa bawat kagapanan sa bansa.
Sa pananakupan ng mga banyaga, sa gyera, sa panahon ng Batas Militar, mga sakuna, diskriminasyon, pulitika, at marami pang iba.
Lagi’t laging makikita ang mga mamamahayag na nasa gitna ng mga pangyayaring nabanggit.
Silang mga nakaharap sa kamera at may hawak na mikropono; silang nakayupyop sa sulatang papel upang itala ang pawang katotohanan; silang handang makinig sa mga naaapi at tumindig sa kung ano ang tama.
Ngunit sa kabila ng lahat ng pagkadalisay para matugunan ang trabaho, hindi maitatangging napakamapangahas ang pagtahak ng propesyon sa pamamahayag.
Kung babalikan noong 2015 ayon sa tala ng Federation of Journalists ay umabot sa 146 ang bilang ng kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag mula 1990 hanggang 2015.
Dagdag pa sa parehong pag-aaral, pumapangalawa ang Pilipinas kasunod ng Iraq bilang pinakadelikadong bansa sa mundo ng mga mamamahayag sa nasabing mga taon.
Ayon pa sa ulat ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), taong 2009 ang pinakamaraming tala sa kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag sa naganap na Ampatuan masaker sa Maguindanao noong ika-23 ng Nobyembre kung saan 32 na journalists ang bilang ng mga nasawi.
At ngayong 2025, hindi pa rin ito maiiwasan at hindi kailanman naging ligtas ang propesyon sa pamamahayag.
May mga kaso pa rin pagtatangkang pambubusal sa bibig ng mga mamamahayag, nakatanggap ng pagbabanta, pagbibintang, at pag-aakusa na binabayaran mula sa taumbayan, mga indibidwal, mga pulitiko, at ilang makakapangyarihan.
Matatandang naging usap-usapan kamakailan ang Facebook post ni Leyte 4th District Rep. Richard “Goma” Gomez laban sa media practitioners sa kaniyang Facebook post.
KAUGNAY NA BALITA: 'Dahil sa socmed post?' Goma, posibleng patawan ng 'ethics complaint'
Makikita sa naturang FB post ni Goma ang mga screenshots mula sa iba’t ibang reporter na nanghihingi ng kaniyang panig patungkol sa isyu ng flood control at alegasyong ibinabato sa kaniya ni Matag-ob Leyte Mayor Bernie Tacoy.
“Mahal din itong media spin na ginagawa nila against me. Look at the similarities of the different socmeds and agencies asking questions. Alam na alam mong merong nagkukumpas. Alam na alam mong ginastusan. Ayus ahhhh. Gastos pa more mga ungas," aniya.
Kinondena naman ng NUJP ang naging kilos na ito ni Gomez at sinabing hinihingi lang ng midya ang kaniyang posisyon.
Hindi na lang sana umano inilabas pati ang mga pribadong impormasyon ng mga mamamahayag na makikita sa screenshots na kaniyang inupload.
“Apart from the allegations that colleagues were paid as part of supposed "media spin", Gomez posted screenshots with media workers' names and numbers, a potential violation of data privacy and an action that puts them at risk of harassment and fraud,” saad ng NUJP.
Dagdag pa nila, “We remind Gomez that media asking for his side on the matter actually favors him. The requests give him a chance to address allegations made by Matag-ob Mayor Bernie Tacoy, who has also criticized him for alleged lack of support during heavy flooding, and making them is part of journalists' jobs.”
Samantala, burado na ang naturang post ni Gomez.
Bukod sa isyung ito, marami pang usapin kaugnay sa mundo ng pamamahayag ang kamakailan napag-usapan sa mundo ng social media.
Ngunit ano’t ano pa man, hindi puwedeng lahatin ng kung sinoman ang integridad at katapangan ng isang mamamahayag dahil lagi’t laging makatitiyak ang sambayanan na kapanalig nila ang mga taong ito alinmang unos ang dumaan.
Pagpupugay para sa lahat ng mamamahayag. Pagpupugay para sa kalayaan.
Mc Vincent Mirabuna/Balita