Ibinunyag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na nasa 15 kontraktor ang sumuporta at nagbigay ng donasyon sa mga kandidato at politiko noong halalan 2022.
Sa panayam ng media kay Garcia noong Biyernes, Agosto 29, 2025, ibinahagi niya ang ulat daw ng ng Political Finance and Affairs Department kaugnay sa patuloy nitong ebalwasyon sa Statement of Contributions and Expenditures ng mga kumandidato.
"As of yesterday [Thursday], we have identified 15 contractors, which provided support, assistance and donations to the 2022 candidates," ani Garcia.
Saad pa ni Garcia, maaari pa raw madagdagan ang bilang ng naturang mga kontraktor sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
"'Yan ay posible pang madagdagan sapagkat ang lahat ng positions na involved noong 2022 at least yung national [candidates] 'yan ang pinapauna natin. Maaaring madagdagan pa ang 15 na 'yan," anang Comelec Chairman.
Inaalam pa raw ng komisyon kung ang mga kontraktor ay pawang mga government contractors at kung ang kanila raw mga binigyan ng donasyon ay nanalo o kasalukuyang nanunungkulan.
"Kung sila ay may kontrata sa pamahalaan at that time na filing ng candidacy ng kanilang binigyan o kaya ay after nang matapos ang election, nanalo o natalo ang mismong kandidato, 'yan ang bagay na malalaman natin sa pamamagitan ng DPWH," saad ni Garcia.
Nilinaw din ni Garcia na may liability ang mga kontraktor kung mapapatunayang may kontrata sila sa ilalim ng gobyerno sa kasagsagan ng kanilang donasyon sa mga kandidato. At maging ang mga politiko at kumandidato ay maaari ding madamay kung ito ay mapatunayan.
"Kapag tiningnan n'yo ang last paragraph ng Section 95, kahuli-hulihang paragraph, mayroon kasing liability ang tumanggap... Saka na namin pag-usapan ang liability ng tumanggap. Ang importante muna kasi yung nagbigay, walang liability ang tatanggap kung legal naman na binigay ng nagbigay," saad niya.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal nito ang anumang uri ng kontribusyon mula sa mga may kontrata sa gobyerno.
"No contribution for purposes of partisan political activity shall be made directly or indirectly by a natural and juridical persons, who hold contracts or sub-contracts to supply the government or any of its divisions, subdivisions, or instrumentalities, with goods or services, or to perform construction or other works," anang Omnibus Election Code.