December 13, 2025

Home BALITA National

Bonoan, walang balak mag-resign; 'di raw tatakbuhan 'accountability'

Bonoan, walang balak mag-resign; 'di raw tatakbuhan 'accountability'
Photo courtesy: via DPWH

Nanindigan si Department of Public Works and Highways (PDWH) Sec. Manuel Bonoan na hindi raw niya tatakbuhan ang isyung kinahaharap ng ahensyang kaniyang pinamumunuan.

Sa video message na ibinahagi ng DPWH sa kanilang opisyal na Facebook page nitong Sabado, Agosto 30, 2025, nanindigan si Bonoan na wala raw siyang balak mag-resign mula sa pagiging kalihim ng nasabing ahensya.

"Mayroon ngang nananawagan sa akin, na ako po raw ay mag-leave o kaya mag-resign, dahil po sa isyung ito. 'Yan po sana ang madaling gawin, mag-resign o talikuran ko ang problema pero hindi po ang pag-alis o pag-iwas ng responsibilidad ang tamang paraan ng paghahanap ng solusyon,” ani Bonoan.

Paglilinaw pa niya, bagama’t tatanggapin niya raw ang pananagutan sa mga alegasyon ng korapsyong ibinabato sa DPWH, iginiit niyang hindi raw niya ito kukunsintihin.

National

Empleyadong sapilitang pinapasayaw sa Christmas party, puwedeng magreklamo—DOLE

“Sa akin po, tatanggapin ko ang accountability pero tandaan po ninyo, hindi ko po kukunsintihin at papayagan ang anumang uri ng korapsyon na nangyayari,” anang DPWH secretary.

Dagdag pa niya, “Gusto nating managot ang dapat managot, makulong ang dapat makulong.”

Matatandaang kamakailan lang nang unang inihayag ni Bonoan na ipinauubaya na raw niya ang kapalaran ng kaniyang posisyon kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

"As I said, I leave it to the President po kung anong desisyon po nila," aniya.

KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, ipinaubaya na kay PBBM kapalaran ng posisyon niya

Nananatili ang imbestigasyon sa DPWH matapos pumutok ang isyu ng korapsyon at anomalya sa konstruksyon ng flood control project sa bansa na nasa ilalim ng pangangasiwa ng nasabing ahensya.

KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!

Samantala, sa darating na Setyembre 1 naman inaasahang magpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee para sa 15 kontraktor na nakatanggap ng limpak-limpak na pondo para sa flood control projects.