December 15, 2025

Home BALITA

Baste sa isyu ng nepo babies: 'Mas mulat na yung tao eh!'

Baste sa isyu ng nepo babies: 'Mas mulat na yung tao eh!'
Photo courtesy: screengrab contributed video

Nagbigay ng komento si Davao City Acting Mayor Sebastian “Baste” Duterte hinggil sa mga isyung kinakaharap ng mga anak ng kongresista at kontraktor na binansagang “nepo babies.”

Sa panayam sa kaniya ng kanilang mga tagasuporta sa The Hague, Netherlands noong Biyernes, Agosto 29, 2025, iginiit ni Baste na naaungkat daw ang isyu sa mga nepo babies dahil mulat na raw ang mga Pilipino.

"Nagyon lumalabas na kasi mas mulat na yung tao eh. Yung Pilipino, hindi naman talaga kailangan na sabihin mo na 'mahirap ako ganon ganon...' pero tama naman yung nagsi-circulate ngayon,” saad ni Baste.

Matatandaang umusbong ang malawakang pagpuna sa tila "lavish lifestyle" daw ng mga nepo babies o mga anak ng kontraktor at politko matapos ang  pagputok ng umano’y isyu ng korapsyon sa flood control project at ang talamak na political dynasty sa bansa.

Kaso vs VP Sara, 'di fishing expedition—EX-DOF Usec.

Saad pa ni Baste, “Hindi mo naman kailangan utuin yung mga tao na hindi ka mayaman, pero, 'wag ka na masyadong magmayabang diyan kasi marami ang naghihirap at nagugutom.”

Iginiit din niyang hindi raw kasi nagiging magandang ehemplo ang pagbabalandra ng mga yaman ng mga anak ng politiko, para sa mga nagnanais na pasukin din ang politika.

“At saka hindi ka nagiging magandang ehemplo sa mga tao na gusto ring pumasok sa pulitika, sa mga bata at sa mga tao na nasa palibot mo, 'pag ganoon yung pinapakita n'yo,” saad ni Baste.

Dagdag pa niya, “Mayaman ka sige, itago mo lang. Kasi nandiyan ka sa publiko, you have to ba a good example to society.”

Ang “nepo babies” ay ibinansag sa social media para sa mga anak ng mga politiko o kamag-anak ng mga politikong tila nagpasalin-salin na lamang ng iba’t iba o hindi naman kaya’y iisang posisyon sa politika.

Subalit, hindi lamang ito naging limitado sa politika. Maging sa iba’t ibang sektor at industriya, karaniwang nababansagang “nepo babies” ang mga indibidwal o personalidad na tila nakatatanggap daw ng pribilehiyo dahil sa posisyon, estado, at pangalan ng kanilang mga magulang.