December 16, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Pagdiriwang sa kaarawan ng nag-iisang lodi ng journalismo na si Plaridel

BALITAnaw: Pagdiriwang sa kaarawan ng nag-iisang lodi ng journalismo na si Plaridel
Photo courtesy: Marty Williams (Wikimedia Commons)

Ipinagdiriwang ang araw ng kapanganakan ng bayani na si Marcelo H. Del Pilar kasabay sa selebrasyon ng National Press Freedom Day tuwing ika-30 ng Agosto. 

Ngunit bukod sa dahilan ng pagiging bayani, sino nga ba si Del Pilar sa likod ng kaniyang sagisag-panulat na “Plaridel” at ano ang kaniyang koneksiyon sa mundo ng malayang pamamahayag? 

Ipinanganak si Del Pilar noong Agosto 30, 1850 sa Kupang San Nicolas, Bulacan at ang kaniyang mga magulang ay sina Julian H. Del Pilar at Blasa Gatmaitan. 

Nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1880. 

BALITAnaw

#BALITAnaw: Ano ang istorya sa likod ng ‘Balangiga Bells’ at ang sinisimbolo nito sa kasaysayan?

Sa paglipas ng ilan pang mga taon, nakilala si Del Pilar bilang isa sa mga mahuhusay na propagandista at mamamahayag sa bansa sa panahon ng pananakupan ng mga Kastila. 

Mapangahas ang mga satirikong akdang naisulat noon ni Del Pilar na tumutuligsa sa mga Kastila partikular sa sistema at pamamalakad ng mga Prayle sa Pilipinas. 

Noong 1882, naging punong patnugot si Del Pilar sa pahayagang Diariong Tagalog at matapang na pinuna at isiniwalat ang mga hindi makatarungang pakikitungo ng pamahalaang Kastila sa mamamayang mga Pilipino. 

Ginamit niya rito ang sagisag-panulat niyang “Plaridel” at sinulat niya ang mga akdang ‘Dasalan at Tocsohan’ at ‘Kaiingat Kayo’ noong 1888. 

Mga akdang pampanitikang naglalaman ng satirikong imitasyon mula sa berso ng babasahin at gawi ng mga Prayleng Kastila sa paraang sarkastiko at katatawanan. 

Nang mapunta sa Espanya si Del Pilar, pinalitan niya si Graciano Lopez Jaena bilang patnugot ng La Solidaridad, ang opisyal na pahayagan ng mga propagandistang nagsusulong ng mga reporma para sa mga Pilipino. 

Nakasama niya rito sina Dr. Jose Rizal, Graciano Lopez Jaena, Mariano Ponce, Juan at Antonio Luna, at iba pang mga Pilipinong propesyonal na naroon sa Espanya. 

Ang katapangan sa mga akda ni Del Pilar ang isa sa magandang halimbawa ng pagiging mapangahas bilang mamamahayag sa gitna ng panahon ng panunupil. 

Dahil dito, tinagurian siya bilang Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas. 

Samantala, hindi rin nagtagal si Del Pilar bilang patnugot ng nasabing samahan at kalaunan ay pinahina ang kaniyang katawan sa sakit na tuberculosis. 

Pumanaw si Del Pilar noong Hulyo 4, 1896 sa Barcelona, Spain na malayo sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. 

Matatandang idineklara rin ang araw ng Agosto 30 bilang isang working holiday sa pagpapatibay ng Batas Republika Blg. 11699 ng Malacañang noong Abril 2023. 

Ngunit hindi kailanman lumisan ang pagiging dalisay at matapang ni Del Pilar sa dugo ng maraming Pilipino hanggang sa panahong kasalukuyan. 

Marami pa ring sumisilang na Plaridel ngayon at nananalaytay ang dugo ng pagiging matapang para sa pagsisiwalat ng katotohanan ng mga mamamahayag sa kabila ng sandamakmak na problemang kinakaharap ng lipunan. 

Silang mga Plaridel sa modernong panahon.

KAUGNAY NA BALITA: BALITANAW: Si Plaridel at ang 'National Press Freedom Day'

KAUGNAY NA BALITA: National Press Freedom Day, kontra sa walang kamatayang alingawngaw ng katiwalian

Mc Vincent Mirabuna/Balita