December 15, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

#BalitaExclusives: Mga posibleng solusyon sa mga suliraning pangwika, inisa-isa ng KWF Ulirang Guro sa Filipino 2021

#BalitaExclusives: Mga posibleng solusyon sa mga suliraning pangwika, inisa-isa ng KWF Ulirang Guro sa Filipino 2021
Photo courtesy: Dr. Mark-Jhon Preztoza

Sa bawat bansang umuunlad, may matibay na haliging nagsisilbing ugat ng kanilang pagkakakilanlan.

Para sa Pilipinas, malinaw ang haliging ito—ang sariling wika. Hindi lamang ito nagsisilbing kasangkapan ng komunikasyon, kundi salamin ng ating pagkatao, kasaysayan, at kultura.

Sa pagtatapos ng Buwan ng Wikang Pambansa, sa eksklusibong panayam ng Balita ay inisa-isa ni Dr. Mark-Jhon R. Prestoza, Assistant Professor at University Director, Sentro ng Wika at Kultura ng Isabela State University - Cauayan Campus at itinanghal na Ulirang Guro sa Filipino ng Komisyon sa Wikang Filpino (KWF) noong 2021 ang kahalagahan ng wikang pambansa at mga katutubong wika, at kung paano ito dapat maging gabay tungo sa tunay na kaunlaran. 

Natanong ang ulirang guro kung ano ang paliwanag niya sa kasalukuyang tema ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025, na "Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa."

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: 8 mga putahe na kasya sa ₱1,500 para sa Noche Buena

"Ang tema ng Buwan ng Wika 2025 ay paalala na ang ating wika ay hindi lamang kasangkapan ng pakikipagtalastasan kundi haligi ng ating kasaysayan at pagkakakilanlan. Sa patuloy na pagyaman ng Filipino at mga katutubong wika, higit nating napagtitibay ang ugnayan at pagkakaisa ng sambayanang Pilipino," paliwanag niya. 

Inisa-isa rin ng ulirang guro ang mga isyu, sagabal, o suliraning kinahaharap ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa kasalukuyan. Nagbigay rin siya ng mga mungkahing solusyon para dito. 

Una na riyan ang paglaganap ng globalisasyon at wikang Ingles.

"Malakas ang impluwensiya ng Ingles bilang wika ng agham, teknolohiya, at pandaigdigang ekonomiya. Nagdudulot ito ng tinatawag na language shift o paglipat ng interes ng kabataan sa Ingles kaysa sa Filipino at mga katutubong wika," aniya.

Naiisip niyang solusyon na itaguyod daw ang multilingguwalismo. Dapat daw kilalanin at i-promote ang halaga ng paggamit ng maraming wika sa edukasyon at lipunan. Aniya pa, ang multilingguwalismo ay nagbibigay-daan sa mga mag-aaral at mamamayan na mapaunlad ang kanilang kakayahan sa Filipino, Ingles, at mga katutubong wika, habang nakikibahagi rin sa pandaigdigang ugnayan.

Pangalawa, pagbawas ng gamit ng mga katutubong wika.

"Maraming kabataan sa mga rehiyon ang hindi na bihasa sa sariling wika dahil mas inuuna ang Filipino o Ingles. Nagiging sanhi ito ng unti-unting pagkawala ng ilang wikang katutubo (language endangerment)," aniya. 

Para naman sa solusyon, iminumungkahi niya ang paglulunsad ng mga proyektong pangkomunidad (hal. Salin-Kultura o Balik-Wika) na naglalayong hikayatin ang kabataan na muling matutuhan at gamitin ang kanilang katutubong wika sa tahanan at komunidad."

Isa pa, kailangan daw magturo ng mga panitikang rehiyonal at ipagamit ang lokal na wika sa malikhaing pagsulat at pagtatanghal, upang maipasa ito sa susunod na henerasyon.

Pangatlo, limitadong representasyon sa Edukasyon at Midya.

"Bagama’t may Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE), may kakulangan pa rin sa materyales at guro na bihasa sa mga katutubong wika. Kadalasan, kulang ang presensya ng mga lokal na wika sa telebisyon, pelikula, at digital media."

"Dagdag pa rito, sa pagpapatibay ng Republic Act No. 12027 noong 2024, tinanggal ang obligadong paggamit ng katutubong wika bilang midyum ng pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3. Pinalitan ito ng Filipino at Ingles bilang pangunahing wika ng pagtuturo, habang ang mga katutubong wika ay itinuring na lamang na auxiliary."

"Bagama’t maaari pa ring gamitin ang MTB-MLE sa mga monolingual classes, mahigpit ang mga kondisyon tulad ng pagkakaroon ng opisyal na ortograpiya, sapat na materyales, at guro na may sapat na kasanayan. Dahil dito, lalong nababawasan ang puwang ng mga katutubong wika sa edukasyon at midya, at mas tumitindi ang panganib ng kanilang tuluyang pagkawala," pagbabahagi pa niya.

Para naman sa naiisip niyang solusyon, sinabi niyang dapat manindigan ang mga guro at propesyunal para sa integratibong paggamit ng mga katutubong wika bilang suporta sa pagtuturo kahit na naging auxiliary na lamang ang papel nito.

Suhestyon din niyang bumuo ng komunidad ang mga guro at manunulat na gagawa ng de-kalidad na materyales (aklat, video, modules) sa Filipino at lokal na wika. Hikayatin din daw ang paggamit ng digital platforms (YouTube, podcasts, social media) bilang espasyo para sa wika at panitikan, upang mas maging makabuluhan at kaakit-akit sa kabataan.

Pang-apat, pagkakaroon ng stigma at diskriminasyon.

"May pananaw pa rin na 'mababang uri' ang paggamit ng katutubong wika sa akademya o propesyonal na larangan. Ang mga nagsasalita ng sariling wika ay minsang nakararanas ng linguistic discrimination."

Upang masolusyunan ito, makatutulong daw ang pagsasagawa ng seminar at forum ukol sa linguistic justice at kahalagahan ng pagkakapantay-pantay ng wika sa lipunan.

Mahalagang itaguyod din ang positibong imahen ng paggamit ng wikang Filipino at katutubong wika sa akademya, agham, at propesyonal na larangan sa pamamagitan ng mga patimpalak, parangal, at publikasyon.

At panlima, kakulangan sa pambansang patakaran at suporta.

"Bagama’t nakasaad sa Konstitusyon ang pagtataguyod ng Filipino at mga katutubong wika, hindi sapat ang programa at pondo para sa aktibong pagpapaunlad nito."

"Kadalasan, limitado sa seremonyal na okasyon ang promosyon ng Filipino at wika, at hindi lubusang napapaloob sa pang-araw-araw na pamamahala.

Para sa solusyon, magrekomenda raw ng malinaw na language policy na magsasaad ng aktibong papel ng Filipino at katutubong wika sa kurikulum, pamahalaan, at midya.

Giit din niya, magtaguyod ng pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya (DepEd, CHED, KWF, lokal na pamahalaan) upang makakuha ng suporta, pondo, at programang pangwika.

Panghuli, hikayatin din  ang partisipasyon ng kabataan bilang mga ambassador ng wika na magpopromote ng paggamit ng Filipino at katutubong wika sa paaralan at pamayanan.

RELEVANCE NG WIKANG FILIPINO SA KASALUKUYAN

Nausisa rin si Dr. Prestoza kung may “relevance” pa ba ang gamit ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa kasalukuyang modernong panahon?

Sagot niya, mataas pa rin daw ang relevance ng wikang Filipino at mga katutubong wika dahil sa tatlong dahilan. 

"Una, nagsisilbi silang ugat ng pambansang identidad at pagkakaisa sa gitna ng mabilis na globalisasyon," aniya.

"kalawa, nakatutulong sila sa pagpapalalim ng kultural na kamalayan at pagpapanatili ng lokal na kasaysayan at tradisyon."

"Ikatlo, sa larangan ng edukasyon at komunikasyon, ang paggamit ng sariling wika ay nagiging tulay tungo sa mas malalim na pagkatuto at mas malinaw na pag-unawa."

"Sa kabila ng pag-usbong ng teknolohiya at dominasyon ng Ingles, mahalagang manatiling buhay at aktibo ang Filipino at katutubong wika bilang susi sa inklusibong pag-unlad at makabayang kamalayan," dagdag pa niya. 

PAGPAPAHUSAY NG MGA MAG-AARAL SA PAGGAMIT NG WIKANG FILIPINO AT MGA KATUTUBONG WIKA

Natanong din ang ulirang guro kung bakit kailangang mapaghusayan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mag-aaral, ang paglinang at paggamit sa wikang pambansa at mga katutubong wika.

Aniya, kailangang mapaghusayan ng mga Pilipino, lalo na ng mga mag-aaral, ang paglinang at paggamit ng wikang pambansa at mga katutubong wika sapagkat ang mga ito ang salamin ng pagkakakilanlan at kultura.

Ang mahusay na paggamit ng Filipino at ng iba’t ibang katutubong wika ay nakatutulong sa pagpapatibay ng pambansang pagkakaisa at sa pagpapanatili ng mayamang pamana ng ating kasaysayan at tradisyon.

Aniya pa, para sa mga mag-aaral, ang kasanayan sa sariling wika ay nagiging matibay na pundasyon ng pagkatuto—ito ang nagbubukas ng malinaw na pag-unawa sa mga aralin at nagsisilbing batayan upang mas madaling matuto ng ibang wika. Higit pa raw dito, sa panahon ng mabilis na pagbabago at globalisasyon, ang kahusayan sa paggamit ng wikang pambansa at katutubong wika ay nagsisiguro na ang pag-unlad ng bansa ay nakaugat sa sariling identidad, hindi lamang nakabatay sa impluwensya ng banyaga.

Sa madaling sabi, aniya, ang paglinang sa wikang pambansa at mga katutubong wika ay hindi lamang tungkulin kundi isang mahalagang hakbang tungo sa makabayang kamalayan, kultural na pagpapatuloy, at inklusibong kaunlaran.

MENSAHE BILANG ULIRANG GURO SA FILIPINO

Bilang pagwawakas, nahingan din ng mensahe si Dr. Prestoza para sa mga kapwa Pilipino para sa pagtatapos ng Buwan ng Wikang Pambansa. 

Malinaw niyang sinabing hindi lamang sa buwan ng Agosto dapat pahalagahan ang wikang Filipino at maging iba pang mga katutubong wika. 

"Bilang isang ulirang guro sa Filipino, aking mensahe sa bawat Pilipino sa pagtatapos ng Buwan ng Wikang Pambansa ay ang patuloy na pagpapahalaga at paggamit ng ating wika hindi lamang tuwing buwan ng Agosto kundi sa lahat ng araw ng ating buhay," aniya.

"Ang Filipino at mga katutubong wika ay hindi lamang kasangkapan ng komunikasyon kundi salamin ng ating pagkakakilanlan, kultura, at kasaysayan."

"Sa harap ng mabilis na globalisasyon at makabagong teknolohiya, huwag nating hayaang matabunan o mawala ang ating sariling wika. Sa halip, gamitin natin ito bilang sandigan ng ating pagkabansa at tulay upang mas maunawaan ng daigdig ang ating yaman bilang isang bayan. Ang bawat salita sa Filipino at katutubong wika ay patunay na tayo ay may sariling tinig na dapat marinig at pahalagahan."

"Kaya, mga kapwa ko Pilipino, ituring nating tungkulin at karangalan ang paglinang, pagyaman, at pagpapalaganap ng ating wika. Sapagkat sa bawat paggamit at pagpapatibay nito, isinusulong natin hindi lamang ang wika, kundi ang ating pambansang dangal at kinabukasan."

Pangwakas niyang pahayag, "Ipagmalaki ang sariling wika, sapagkat dito nakaugat ang ating lahi at pagkatao."

Saludo kami sa iyo,  Dr. Mark-Jhon R. Prestoza!