December 22, 2025

Home BALITA

ALAMIN: Paano ang tamang pakikiramay sa mga taong nagluluksa?

ALAMIN: Paano ang tamang pakikiramay sa mga taong nagluluksa?
Photo courtesy: Unsplash

Ang pagluluksa ay isang natural na emotional response na kadalasang nararanasan matapos makaranas ng pagkamatay o pag-alis ng isang minamahal, pagkawala ng trabaho o oportunidad, at bagay na may malalim na sentimental value. 

Sa bawat indibidwal, ang pagluluksa ay naipapahayag at nakikita sa iba’t ibang paraan, at ayon sa sikolohiya, para sa ilan, ang intensidad at dalas ng pagluluksa ay bahagyang kumukupas matapos ang ilang linggo o buwan, habang mayroon ding pagluluksa na hindi nawawala, kung saan ang bigat ng pangungulila ay nananatiling mabigat

At kung ito’y umabot na sa puntong nakahahadlang na sa pang araw-araw na gawain, at nagdudulot na ng matinding pagkabagabag o pagkabalisa, ito ay tinatawag nang “traumatic grief, complicated grief, o persistent complex bereavement disorder,” ayon sa Current Opinion in Psychology journal. 

Ayon naman sa siyentipikong pag-aaral tungkol sa Grief & Bereavement na nakalathala sa Positive Psychology.com, bukod sa emosyon, naapektuhan din ng pagluluksa ang pisikal at sosyal na aspeto ng isang indibidwal. 

National

Principled partner sa Quad Comm: Benny Abante, nagbigay-pugay kay Romeo Acop

Sa pisikal, maaaring magkaroon ng pagkawalang gana sa pagkain, hirap sa pagtulog, pagkawalang interes sa pag-aalaga ng sarili at madaling pagkakasakit dahil sa pagbaba ng immune system. 

Sa sosyal naman, maaaring makaranas ng “social withdrawal ang isang indibidwal kung saan, mas ninanais nitong mapag-isa.

Kung kaya naman, ang pakikiramay sa isang nagluluksa ay isa ring hindi madaling gawain para sa isang kapamilya o kaibigan, dahil ito ay isang komplikadong emosyon.

Sa parte rin ng nakikiramay, marahil ay mayroong pag-aalinlangan na maaaring mas magdulot pa ng matinding lungkot o kaya nama’y masabi ang maling bagay na hindi makatutulong dito. 

Dahil dito, ito ang ilan sa paraan para makapagbigay suporta sa isang nagluluksa na ibinahagi ng mga eksperto sa HelpGuide.org at Crisis & Trauma Resource Institute (CTRI): 

1. Intindihin na iba-iba ang proseso ng pagluluksa

Intindihin na walang tama o maling paraan ng pagluluksa, at bawat indibidwal ay iba-iba ang paraan para maproseso ito. 

Wala ring tiyak na haba ng oras na panahon bago maka-recover dito o kung tuluyan nga bang nakare-recover mula rito. 

2. Reach out

Para sa isang nagluluksa, kadalasang naa-appreciate nito ang presensya ng mga kaibigan o komunidad hindi man ito maipahayag nang maayos. 

Kumustahin ito ng personal o ayain sa simpleng merienda, ang pagluluksa ay kadalasang intense at tumatagal. 

Ngunit kailangan ring tandaan na mahalaga pa ring bigyan ng space ang taong nagluluksa dahil may mga pagkakataon na nanaisin ding mapag-isa, 

3. Maging maingat sa sasabihin 

Habang natural na para sa mga kaibigan o kapamilya na magbigay ng “words of encouragement” tulad ng “Look at the bright side,” “At least diba…” o “Be strong,”  sa layuning makapagbigay ginhawa at lakas ng loob sa nagluluksa. 

Gayunpaman, hindi pa ito ang kanilang kailangan marinig sa pagkakataong iyon. 

Bagkus, puwede ring magtanong ng mga “open-ended” questions na bibigyang pagkakataon ang nagluluksa para ibahagi ang saloobin nito. 

4. Magbigay ng mga praktikal na tulong 

Bukod sa pagkawala o pagkamatay, isa pa sa mabigat na parte ng pagluluksa ay ang mga naiwan o tila nakaligtaang gawain, na kadalasa’y overwhelming na para sa nagluluksa. 

Bilang kaibigan o kapamilya, magandang ideya ang pago-offer na tumulong sa ibang gawain tulad ng pagbabantay sa anak o alagang hayop, paglilinis ng bahay, paglalaba, o pagdadala ng pagkain. 

Sa pamamagitan nito, maaaring mapagaan ang mga araw na tatahakin ng nagluluksa at posible ring maramdaman nitong hindi siya nag-iisa. 

5. Patuloy na pagsuporta 

Dahil walang tiyak na oras o panahon ang haba ng pagluluksa, ito ay nagpapatuloy kahit matapos na ang libing o mga pagbati ng condolesence mula sa mga malalapit na kakilala. 

Manatiling in touch sa kaibigan o kapamilyang nagluluksa at tandaan na may mga pagkakataon na hindi nakaka-”get over” ang isang tao mula rito, bagkus, natututo lamang na tanggapin ang pangyayari. 

At sa mga espesyal na okasyon tulad ng pasko, bagong taon, birthday, o death anniversary, mahalagang malaman ng taong nagluluksa na mayroon siyang mga kaibigan o pamilya na masasandalan pa rin. 

6. Maging mapagmatyag sa sinyales ng depresyon 

Habang parte ng pagluluksa ang lungkot at pagiging disconnected sa iba, may mga sinyales ng depresyon na maaaring lumitaw at manatili sa isang tao  na puwedeng mauwi sa ilang kondisyon tulad ng “clinical depression.”

Sa ganitong pagkakataon, hikayatin o samahan ang kaibigan o kapamilya kapag nakita na ang paglabas ng ilang sa mga sintomas tulad ng: 

- Alcohol o drug abuse 

- Pagsasalita tungkol sa pagkamatay, kamatayan, o pagpapakamatay

- Pagkalimot sa kalusugan at personal hygiene

- Pagkakaroon ng mga hallucination o  ilusyon

7. Makinig at irespeto ang proseso ng pagluluksa 

Iwasang mag-project o magpahayag ng sariling ideya tungkol sa pagluluksa, bagkus, matututong intindihin at tanggapin ang pinagmumulan ng pagluluksa at matutong makinig nang walang kasunod na advice. 

Sean Antonio/BALITA