Dumarating sa punto ng isang tao na hindi niya napipigilan ang madalas na pag-utot o pagpapakawala ng “masamang hangin” sa pampubliko o pampribadong lugar man kung saan siya naroroon.
Ngunit masamang senyales nga ba sa pangangatawan ng isang tao ang madalas niyang pag-utot?
Ayon sa video na inupload ngayong Sabado, Agosto 30 ng Filipino Doctor, content creator, at radiologist na si Dr. Alvin Francisco o Doc Alvin, ipinaliwanag niya ang mahahalagang detalye na dapat malaman ng mga tao kaugnay sa madalas na pag-utot.
Ayon kay Doc Alvin, mayroon umanong mga bacteria sa loob ng tiyan ang isang tao at nakikikain ang mga ito ng mga pagkain na nilalagay ng tao sa kanilang tiyan.
“Kapag kumakain kasi tayo, ‘yong mga bacteria na yan, nakikikain din sila. At kapag kumain sila ng kinakain din natin nagpo-produce sila ng mga bubbles. Kapag pumutok ‘yong mga bubbles na yan, diyan na ngayon nagfo-form ‘yong utot,” paliwanag ng doktor.
Inisa-isa niya rin ang mga bagay na ginagawa ng tao na nakadadagdag sa pagdami ng naiipong utot sa loob ng tiyan.
“Nakakadagdag din sa utot kapag inom ka nang inom ng softdrinks, kapag mabilis kang kumain, at kapag tawa ka nang tawa,” saad ni Doc Alvin.
Aniya, senyales ng pagiging malusog ng isang tao ang madalas nitong pag-utot lalo na kung may amoy.
“Actually, senyales po ng pagiging healthy kapag ikaw ay utot nang utot. Lalo na kapag mabaho,” anang doktor.
Dagdag pa niya, “[K]asi ibig sabihin, adequate po ang iyong protein intake at ibig sabihin [ay] wala kang bara sa sikmura mo.”
Pagpapatunay pa ni Doc Alvin na may mga pag-aaral na nagpapaliwanag na normal lang umano sa isang tao na madalas nitong umutot.
“According po sa mga studies, normal po na umutot hanggang 20 times kada-araw,” ‘ika ng doktor.
Ngunit nilinaw niya na kung nakakaranas ng pagsakit ng tiyan ang isang tao habang siya ay umuutot, marapat lamang na lumapit na sila sa mga doktor upang magpatingin.
“Pero kung umuutot ka nang may kasamang pagsakit ng tiyan, kung mayroon kang diarrhea o kaya parang punong puno ‘yong tiyan mo, baka po mayroon nang problema sa panunaw mo. So mas maganda po na nagpapacheck na sa doktor,” pagtatapos ni Doc Alvin.
Samantala, good vibes naman ang hatid ng video ni Doc Alvin sa netizens at nag-iwan sila ng mga pabirong komento kaugnay sa utot.
Narito ang ilan sa mga sinabi ng mga nakapanood:
“Pano po doc kapag yung utot sinalo ng kamay tapos pinaamoy sa ilong?”
“[P]aano pag trip kong umutot sa elevator na puno ng tao sa loob .. sa tiyan pa rin po ba ang sakit? o sa ulo na?”
“Ipiplay ko to lagi doc pag umutot ako sa public. Sasabihin ko normal to at healthy sabi ni doc. Ahahahha”
“Doc dapat sinabi mo rin ano effect pag naamoy mo ang mabahong utot Hahahahahhaha. Nakakasuffocate minsan eh”
“Ako utot ng utot pero nde nman lumalampas ng 20”
“Doc Doc Alvin normal po ba na pa paamoy yung utot? Sobra baho na po kasi talaga. Habitual na po kasi nya pa amoy utot nya perwisyo na ahaha San po kaya pede pa check Baka po may problem na kasi to sa utak doc e”
Umabot na ngayon sa 5.6 milyon na views ang naturang video ni Doc Alvin.
KAUGNAY NA BALITA: Doktor-content creator, may payo sa mga halimaw 'mag-lulu'
KAUGNAY NA BALITA: 'Pag di nakumpleto bakuna sa rabies, mawawalan ng bisa unang bakuna na nabigay—Doc Alvin
Mc Vincent Mirabuna/Balita