Dalawang riding-in-tandem ang nambiktima sa 13 masahista sa Pasay City matapos silang pagnakawan, at dalawa pa sa kanila ay ginahasa, noong Biyernes ng madaling araw, Agosto 29, 2025.
Ayon sa ulat ng GMA news Online nitong Sabado, Agosto 30, 2025, dalawang armadong lalaki na sakay ng isang puting motorsiklo ang pumasok sa loob ng bisinidad ng establisyimento at nagdeklara ng holdap.
Agad umanong nilimas ng mga suspek ang gamit ng tinatayang 13 masahista. Bukod sa pagnanakaw, dalawang masahista pa raw ang ginahasa ng mga suspek.
Matapos ang krimen, mabilis umanong tumakas ang mga suspek. Samantala, nakakuha naman ng ebidensya para sa forensics examination ang Special District Forensics Unit para sa kanilang imbestigasyon.
Patuloy na rin ang backtracking at foretracking ng Pasay City Police Station para sa paggalugad sa mga suspek.
Positibo na ring nakilala ng mga awtoridad ang isang 23 taong gulang na suspek na kumpirmadong nanggahasa sa isa sa mga biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.