Bumigay ang isang tulay matapos ditong dumaan ang isang overloaded na truck.
Ayon sa ulat, pasado 2:00 ng hapon noong Huwebes, Agosto 28 nang masaksihan ng mga residente ang pagguho ng tulay sa Purok 5, Ilawod Camalig, Albay.
Sa imbestigasyon ng Municipal Engineering office (MEO), napag-alaman nilang lubhang mabigat ang truck at lampas sa weight limit kaya gumuho ang tulay na para lamang sana sa light vehicles.
Dinagdag pa nilang malaki ang tinamong pinsala ng gumuhong tulay.
Napag-alaman din sa mga residenteng nakasaksi sa pangyayari na maaaring ang naging rason ng truck sa pagdaan sa tulay ay dahil may ginagawang kalsada at dike sa nasabing lugar.
Samantala, agad namang naalis ang bumalandrang truck sa gumuhong tulay sa tulong ng backhoe nang rumesponde na ang mga awtoridad.
Nakipag-ugnayan na umano noong Huwebes ang Local Government Unit (LGU) ng apektadong lugar sa opisina sa ikalawang distrito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at nakatakdang ayusin ang tulay ngayong Biyernes, Agosto 29.
Mc Vincent Mirabuna/Balita