Inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang proyektong “EduKahon” sa Tabaco National High School, Albay noong Huwebes, Agosto 28.
Ang “EduKahon” ay isang school recovery kit na may kumpletong school supplies para matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga estudyante kahit sa kasagsagan ng kalamidad.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na learning continuity, na naglalayong pagtibayin ang disaster response and preparedness sa sektor ng edukasyon sa bansa.
Ayon sa pahayag ng DepEd, ang bawat kahon ay nakalaan sa 40 mag-aaral at isang guro.
Ito’y naglalaman ng mga school supplies tulad ng lapis, kuwaderno, ruler, pambura, gunting, laminated posters (alphabet, multiplication at number tables), aklat, hygiene kits, at first aid kits.
Ang pamamahagi nito ay mayroong tatlong lebel: Ang School Kit, Teacher Kit, at Learner Kit.
Ang School Kit ay nakalaan para sa agarang recovery ng paaralan at pansamantalang espasyo sa pag-aaral.
Ang Teacher Kit ay bilang pagsuporta sa pagtuturo ng mga guro.
At ang Learner Kit naman ay para mabigyan ang mga mag-aaral ng patuloy na access sa mga materyales sa pag-aaral.
Ang “EduKahon” ay pinangunahan ni DepEd Secretary Sonny Angara, na bumisita rin sa distribusyon nito sa Albay.
“Ang ating mga mag-aaral at guro ang unang naaapektuhan tuwing may sakuna. Sa pamamagitan ng EduKahon, tinitiyak natin na tuloy ang pag-aaral ng mga bata at hindi mapuputol ang kanilang progreso sa kabila ng mga pangyayari,” saad ni Angara.
“It’s not just for the continuity of education but also for their safety. ‘Yan talaga yung number one na pinapahalagahan natin,” dagdag naman ni DepEd Undersecretary and Chief of Staff Fatima Lipp Panontongan.
Ang EduKahon ay isasama rin sa Adopt-a-School Program na magbibigay pagkakataon sa mga partner at donor na direktang makapagbigay tulong sa paghahanda at distribusyon ng mga kit.
Sean Antonio/BALITA