Inanunsyo ng Quezon City Epidemiology & Surveillance Division ang nakakaalarmang paglobo ng kaso ng Hand, Foot, and Mouth Disease (HFMD) sa lungsod.
Sa inilabas na datos ng nasabing dibisyon sa kanilang Facebook post nitong Huwebes, Agosto 28, umakyat na sa 530 ang kaso ng HFMD sa buong lungsod simula Enero 1, 2025 hanggang Agosto 26, 2025, na may 636% na pagtaas kumpara noong 2024, kung saan nakapagtala ang QC ng 72 kaso.
Sa usapang demograpiya, naitala ang pinakamaraming kaso sa mga batang may edad anim pababa, na aabot sa 437 o 82% ng kabuuang kaso sa lungsod.
Bukod ito, ibinahagi rin nila kung paano nga ba naipapasa ang HFMD sa ibang tao.
“Naipapasa ang HFMD sa pamamagitan ng direktang kontak sa mga taong may HFMD, paghawak sa kontaminadong bagay, pagbahing at pag-ubo, at mula sa dumi ng taong may HFMD,” anang Epidemiology & Surveillance Division.“
Bagamat kusang gumagaling ang HFMD, kailangang mapigilan ang hawaan at matiyak ang kaligtasan ng buong komunidad,” dagdag pa nila.
Nagbigay din sila ng mga “precautionary measures” upang maiwasan ang pagkakaroon ng HFMD.
1. Ituro sa mga bata ang cough at sneezing etiquette. Takpan ang ilong at bibig gamit ang tisyu o panyo, o kaya ay ang ibabang manggas.
2. Regular na maghugas ng mga kamay gamit ang malinis na tubig at sabon pagkatapos magbanyo, bago kumain, at pagkatapos hawakan ang anumang bagay.
3. Regular na mag-disinfect ng mga gamit sa loob ng bahay at paaralan lalo na ang mga kagamitan ng mga bata.
4. Sa mga magulang, 'wag munang palabasin ng ng bahay at wag munang papasukin ang anak kung may sintomas ng HFMD
5. Sa mga guro, kung may banta ng HFMD sa paaralan, agad na magreport sa inyong Safety Officer o School Nurse upang agad na mabigyan ng angkop na aksyon
Pinaalalahanan din nila ang publiko na humingi agad ng saklolo sa propesyonal kung sakaling makaramdam ng
sintomas ng naturang sakit.
Matatandaang nakapagtala naman ang Department of Health (DOH) ng 37,368 na kaso ng HFMD sa buong bansa sa unang kalahati ng taon.
MAKI-BALITA: Nakaaalarma! Kaso ng hand, foot, and mouth disease, 7 beses ang itinaas sa unang kalahati ng taon-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA