Ganap nang nilahukan ng “Primera Kontrabida” na si Gladys Reyes ang “Star Magic” matapos nitong pumirma ng kontrata sa management nitong Huwebes, Agosto 28.
Ibinahagi ni Gladys sa YouTube page ng “Star Magic” kung paano siya kinainisan ng mga taong nakakakita sa kaniya.
“Kapag may nakakakita sa ‘kin, ang unang [tinatanong]… Puwede pasampal?,” aniya.
“I love that they love to hate me, ang importante naman ay hindi ka ganoon sa totoong buhay,” dagdag pa niya.
Isiniwalat ng “Primera Kontrabida” na ang kaniyang “biggest break” bilang artista ay ang pagganap niya sa soap opera na “Mara Clara,” noong 1990. Sa palabas na iyon, si Gladys ay gumanap na “Clara,” habang si Judy Ann Santos naman ay si “Mara.
”Paglalahad pa niya, limang taon daw umanong umere ang palabas na ito sa ABS-CBN Network, na isa sa mga pinakamahabang soap opera sa bansa, kung kaya’t hindi umano madaling nabura sa mga manonood ang pagganap niya roon.
Ibinahagi rin niya na sa unang palabas niya sa Viva, nakitaan na umano ito ng kanyang pagkamaldita.
“Paraang doon pa lang mayroon ng teaser ‘yong kamalditahan ko, kasi medyo may pagkamaldita na akong anak niya doon sa Muling Buksan ang Puso, my very first full-length film,” aniya.
Matapos umano noon, nagsunod-sunod na ang kaniyang mga proyekto, kung saan gumanap din daw siya bilang anak ng action stars.
Isiniwalat din ng primyadong aktres na sa edad na pitong taong gulang, nagsimula na itong umarte.
“I started when I was only 7 years old. Hilig ko na talaga actually ang umarte,” aniya.
“Kung ‘yong ibang mga bata naglalaro sa labas, ako nasa loob ako ng bahay, roleplaying, and nagre-record ako ng voice ko ng iba’t ibang voice sa casette tape,” dagdag pa niya.
Sa kasalukuyan, si Gladys daw ay isang aktres, isang host, entrepreneur, at isang proud na ina sa kaniyang apat na anak.
Masaya rin umano ang aktres na nandito pa rin siya sa industriya.
“I’m happy that I’m still here, sa ngayon nakakatuwa lang na you get to choose kung ano na lang ‘yong gusto mo na lang talagang gawin,” aniya.
“Ako rin mismo, parang hindi rin ako makapaniwala na like, nonstop but I’m not complaining,” dagdag pa niya.
Matatandaang umeere ngayon sa GMA-7 ang palabas na “Cruz vs Cruz” ni Gladys Reyes, kasama ang aktres at mang-aawit na si Vina Morales.
Vincent Gutierrez/BALITA