Nagkomento si Vice President Sara Duterte tungkol sa flood control project at paglutas daw sa usapin ng pagbaha sa Pilipinas.
Sa panayam sa kaniya sa The Hague na isinapubliko ng Facebook page na Alvin and Tourism noong Huwebes, Agosto 28, 2025, ibinahagi ni VP Sara ang kaniya raw “libreng advice” para sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Siguro dapat gawin nila yung ginagawa ko ‘di ba?” ani VP Sara.
Dagdag pa niya, pawang ang mga Pilipinong nasa abroad daw kasi ang itinuturing niyang mainam na consultants sa kaniyang pag-iikot sa iba’t ibang bansa.
“Umiikot ako sa iba’t ibang communities around the world. The overseas Filipino and the overseas Filipino worker ang pinaka the best na mga consultants. Kasi sila yung nakatira, nakaikot sa buong mundo, nakatrabaho sa iba’t ibang lugar. Alam nila yung iba’t ibang practices. So ano dapat yung ginagawa natin? Tinatanong natin sila,” anang Pangalawang Pangulo.
Dagdag pa niya, “Ano ba yung nakita ninyo? Ano ba yung pangarap natin para sa ating bayan? Ano ba yung doable sa ating bayan na best practices na sabihin na nating sa Kuwait, sabihin na nating sa Australia, sabihin na nating sa Netherlands.”
Ayon sa mga ulat, simula noong Enero 2025 hanggang nitong Agosto 2025, nasa pitong bansa na ang napuntuhan ni VP Sara kabilang ang Japan noong Enero; Hong Kong at Netherlands noong Marso; Qatar at Netherlands noong Mayo; Malaysia at Australia noong Hunyo; at Netherlands noong Hulyo at Agosto.
Samantala, kasalukuyang nasa Netherlands si VP Sara kasama ang kaniya pang tatlong kapatid na sina Davao City 1st District Congressman Paolo "Pulong" Duterte, Davao City acting mayor Sebastian “Baste” Duterte at Kitty Duterte para sa kanilang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nananatili sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa kasong crimes against humanity.
KAUGNAY NA BALITA:Duterte siblings, bitbit pag-asang makakasama muli nila si FPRRD
Sa Setyembre 23, inaasahang isagawa ang confirmation charges hearing kay dating Pangulong Duterte kung saan umaasa ang kaniyang kampo na maiaapela nila ang pansamantala niyang paglaya.
KAUGNAY NA BALITA: Oral presentation sa ICC ng kampo ni FPRRD, tatagal ng 4 na oras sa Setyembre 23