December 13, 2025

Home FEATURES

BALITAnaw: Si Mike De Leon at mga obra maestrang pelikula na kaniyang naiwan

BALITAnaw: Si Mike De Leon at mga obra maestrang pelikula na kaniyang naiwan
Photo courtesy: CarllotaFilms (FB)

Nagluluksa ngayon ang mundo ng pelikula sa Pilipinas matapos ianunsyo sa publiko ang pagpanaw ng batikang filmmaker at direktor na si Mike De Leon. 

Ayon sa post na inilabas ng CarlottaFilms sa Facebook noong Huwebes, Agosto 28 ay nagpaabot sila ng pakikiramay sa lumisang filmmaker. 

Nagbahagi din ng pahayag ang The Film Development Council of the Philippines (FDCP) kaugnay sa pakikiramay nila sa paglisan ni Mike kung saan tinawag nila siyang isang “visionary filmmaker.”

“Today, August 28, 2025 the FDCP joins the entire film industry in mourning the passing of visionary filmmaker Mike De Leon,” saad nila sa caption ng kanilang post. 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Kalakip ng pakikiramay ng nasabing organisasyon ang pagpapahatid din ng pakikiramay ni FDCP Chairman Jose Javier Reyes. 

“[His] life was dedicated to film. His consistent imagination to explore the language of cinema shaped what we understand of Philippine filmmaking today[...]” saad ni Reyes. 

Ngunit sino nga ba si Mike De Leon at ano ang mga pelikulang kaniyang nilikha na tumatak at nag-iwan ng malalim na impluwensya sa mundo ng pelikula sa Pilipinas? 

Ipinanganak noong Mayo 24, 1947 si Miguel Pamintuan De Leon at ang kaniyang mga magulang ay sina Manuel De Leon at Imelda Pamintuan. 

Nagsimula ang interes niya sa pelikula noong kumuha siya ng master’s degree sa Kasaysayang Pansining sa University of Heidelberg, Germany. 

Noong 1972 hanggang 1975, nalikha ni Mike De Leon ang unang dalawa niyang maikling pelikula na ‘Sa Bisperas’ (1972) at ‘Monologo’ (1975). 

Sa parehong taon ding ito niya itinatag ang samahan ng Cinema Artists Philippines kasama ang direktor na si Lino Brocka. 

Nakamit ni De Leon ang gantimpalang “best in cinematography” sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) noong 1975 sa pelikulang ‘Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag’ ni idinerehe ni Brocka. 

Ngunit isa sa pinaka-unang naging tanyag na pelikulang nilikha ni Mike De Leon ay ang ‘Itim’ noong 1976 kung saan humakot ito ng mga gantimpala bilang isa sa mga Ten Outstanding Films of the Decade mula 1970 hanggang 1979 at siya bilang “best director award” sa ginanap na Asia Film Festival noong 1978 sa Sydney, Australia.

Noong 1997, nabuo ang pelikulang ‘Kung Mangarap Ka’t Magising’ para sa pag-alaala ni De Leon sa kaniyang lola at nakamit din niya ang Urian award for best director sa parehong taon sa kaniyang ginawang musical film na ‘Kakabakaba Ka Ba?’

Nariyan din ang mga pelikulang ‘Kisapmata’ (1981), ‘Batch'81’ (1982) at ‘Sister Stella L.’ (1984) at ang naging blockbuster na pelikulang Hindi Nahahati ang Langit noong 1985 na adpatasyon sa isang Komiks. 

Nilikha niya rin ang ‘Bilanggo sa Dilim’ noong 1987, adaptasyon sa pelikulang The Collector, kung saan tumalakay ito sa mga usapin ng karahasan sa mga kapatiran, manggagawang Pilipino, at insesto na pinagbidahan nila Joel Torre, Cherie Gil, at Rio Locsin.

Kagaya ng pelikulang Itim, nakamit muli ni De Leon ang gantimpala bilang Philippines's Ten Outstanding Films of the Decade mula 1980 hanggang 1989 sa pelikulang Bilanggo sa Dilim sa Film Academy of the Philippines Awards (FAP). 

Nasungkit niya rito ang mga gantimpala kaugnay sa iba pa niyang nagawang pelikula kagaya ng best director at best screenplay noong 1984 sa pelikula niyang Sister Stella L sa Urian Award. 

Habang naipalabas naman ang ‘Kisapmata’ at ‘Batch ‘81’ sa Directors’ Fortnight sa Cannes Film Festival noong 1982. 

Isa rin si De Leon sa mga kaunahang gumamit ng graphics animation sa kompyuter para sa industriya ng TV advertising noong 1988 habang nakasama ang pelikula niyang ‘Aliwan Paradise’ sa apat na napili ng Southern Winds noong 1993 na siyang nagrepresenta sa koleksyon ng mga pelikula sa apat na bansa mula Indonesia, Thailand, Pilipas, at Japan. 

Ngayong lumisan na ang batikang filmmaker na si Mike De Leon, patuloy pa ring aalalahanin ng mga taong nakasama, nakatrabaho, naturuan, at pamilya niya ang mga obra maestrang pelikula na iniwan niya rito sa mundong ibabaw. 

Isa ang naging pag-iral ni De Leon sa may naging malaking impluwensya sa pagkahubog at patuloy na paglago ng mundo ng pelikula sa Pilipinas. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita