January 04, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga probisyong nakapaloob sa House Bill 3141 o ang ‘Nanay ng Tahanan Bill’

<b>ALAMIN: Mga probisyong nakapaloob sa House Bill 3141 o ang ‘Nanay ng Tahanan Bill’</b>
Photo courtesy: Unsplash

Marami nang mga batas ang sumusuporta sa mga pangangailangan ng bawat pamilya sa Pilipinas, tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Nariyan din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang kagawarang naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mga ina, kasama ang kani-kanilang mga anak.

Bukod sa DSWD, kasalukuyang batas din ang Republic Act 9262, o ang “Anti-Violence Against Women and their Children” (VAWC), na pumoprotekta sa mga kababaihan, sa mga ina, at sa kanilang mga anak, laban sa pisikal, sekswal, ekonomikal, at sikolohikal na pang-aabuso.

Sa kabila nito, may panibagong panukalang batas ang nais isulong sa Kamara, ito ay ang “Nanay ng Tahanan Act.”

Ang House Bill 3141 o ang "Nanay ng Tahanan Bill” ay isang panukalang nais ipasa bilang ganap na batas ni 1Tahanan Partylist first nominee Rep. Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado sa Kamara.

Human-Interest

Sana oil! Bakit interesado si US Pres. Donald Trump sa langis ng Venezuela?



Ano ba ang mga probisyong napapaloob sa panukalang batas na ito?

Ayon sa Seksyon 2 ng panukalang batas, kikilalanin nito ang responsibilidad ng mga “stay-at-home” na mga nanay o mga maybahay bilang “valuable economic activity.”

Dulot nito, ang mga “stay-at-home” na mga ina o mga maybahay ay makatatanggap ng pinansyal na tulong kapalit ang serbisyo nila sa kanilang mga anak o pamilya.

Ipinaliliwanag naman ng Seksyon 3 ang mga saklaw ng panukalang batas na ito, kung saan ang maybahay ay nararapat na parte ng isang pamilyang may estadong pang-ekonomiyang mas mababa sa “poverty threshold.”

Dapat sila rin ay “full-time housewives”, walang “part-time” o “home-based job” na pagkukunan nila ng kita.

Ayon pa sa seksyon na ito, ang mga kwalipikadong ina ay dapat na nag-aalaga ng isa o higit pang anak, na may edad na 12 taong gulang pababa. Kwalipikado pa rin kung may anak na 12 taong gulang pataas, kung ang anak ay humaharap sa “mental incapacity,” o walang kakayahang alagaan ang kaniyang sarili.

Inilalahad naman ng Seksyon 4 ng panukalang batas na ang pinansyal na tulong na makukuha ng mga kwalipikadong ina mula rito ay aabot sa P1,500 kada buwan.

Dahil din daw umano sa “inflation,” ito raw ay irerebyu ng Kongreso kada tatlong taon, sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang kagawaran din ang responsable sa distribusyon ng pinansyal na tulong mula rito, sa tulong ng lokal na pamahalaan.

May mga kondisyon din ang panukalang batas na ito bukod sa ang ina ay walang pinagkukunan ng kita:

1. Ang anak o mga anak ay dapat na nag-aaral sa pampublikong eskuwelahan, at makakakuha ng 85% attendance.
2. Ang anak o mga anak ay nagpapakita ng responsableng pag-uugali upang paghahanda sa pagiging “independent” ng mga ito.
3. Ang pamilya ay nararapat na lumahok sa isang “quarterly barangay assembly” na naglalayong ihanda ang pamilya na maging responsableng mga mamamayan sa komunidad.

Sa tulong ng pamahalaan, mga kagawaran, at institusyon, ang panukalang ito ay inaasahang tutugunan ang kabawasan sa bilang ng mga mahihirap sa ating bansa.

Vincent Gutierrez/BALITA