December 13, 2025

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'

ALAMIN: Ang terminolohiyang 'nepotismo' at pag-usbong ng 'nepo babies'
Photo courtesy: Pexels, via Manila Bulletin

Gasgas na gasgas ngayon sa social media ang katagang “nepo babies” sa pagputok ng umano’y isyu ng korapsyon sa flood control project at ang talamak na political dynasty sa bansa.

Mula sa mga meme, captions, at social media post, bumaha ng mga samu’t saring komento para sa ‘ika nga nila’y “nepo babies.”

Ang “nepo babies” ay ibinansag sa social media para sa mga anak ng mga politiko o kamag-anak ng mga politikong tila nagpasalin-salin na lamang ng iba’t iba o hindi naman kaya’y iisang posisyon sa politika.

Subalit, hindi lamang ito naging limitado sa politika. Maging sa iba’t ibang sektor at industriya, karaniwang nababansagang “nepo babies” ang mga indibidwal o personalidad na tila nakatatanggap daw ng pribilehiyo dahil sa posisyon, estado, at pangalan ng kanilang mga magulang.

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

Mula nepotismo hanggang nepo babies

Ayon sa Merriam Webster, ang nepotismo ay maituturing daw na “favoritism.” Pagpabor na mabigyan ng trabaho ang isang tao dahil sa pagiging magkamag-anak.

Sa ibang salin naman ng Britannica sa pakahulugan ng nepotismo, it naman ay nagpapatungkol sa isa raw “unfair practices,” na nagbibigay ng trabaho sa mga kamag-anak, kadugo man o batay sa kasal.

Habang sa Cambridge Dictionary, iginigiit nito na ang nepotismo ay isang uri ng paggamit ng kapangyarihan o impluwensya upang magbigay ng trabaho o magandang posisyon sa miyembro ng pamilya.

Sa mga kahulugang nabanggit, mabilis na iniuugnay ang nepotismo sa konsepto ng political dynasty sa Pilipinas lalo na’t malaking bahagi ng iba’t ibang posisyon sa gobyerno ay hawak mga malalaking pamilya.

Katunayan ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), tinatayang nasa 113 mula sa 149 lungsod sa Pilipinas ang binubuo ng political dynasties. Habang walo sa bawat 10 distrito naman ang pawang pinaghaharian ng dinastiya at sa kasalukuyang Senado– apat na pamilya ang sabay-sabay na nakaupo sa 20th Congress.

Bunsod nito, naiugnay ang konsepto ng “nepotismo” sa mga anak ng mga naglalakihang politiko bilang mga umano’y “nepo babies” na pawang nagpapakasasa raw sa korap na sistema ng kanilang mga magulang. 

Giit ng ilan, ang marangyang buhay daw kasi ng “nepo babies” ay pawang mula sa kaban ng bayan, “sa tax ng bayan,” at sa proyekto umanong dapat ay para sa bayan.

Ikaw ka-Balita, anong masasabi mo sa konseptong ito ng “nepo babies?”