Pinatutsadahan ni Akbayan Rep. Perci Cendaña ang public works contractors kagaya ng mga Discaya sa pag-flex ng kanilang kayamanan, na aniya'y galing sa buwis ng taumbayan.
Nagsagawa ng protesta ang Akbayan Partylist nitong Biyernes, Agosto 29, sa tapat ng St. Gerrard Construction sa Pasig City na pagmamay-ari din ng mga Discaya.
Dito ay pinatutsadahan ni Cendaña ang mga kontraktor kagaya ng mga Discaya dahil sa umano'y maling paggamit ng public funds.
"The widespread uproar and condemnation of such flagrant displays of wealth by the likes of Discaya is deserved. But more than condemnation–dapat kasuhan at ikulong ang mga nangungulimbat ng buwis ng mamamayan," saad nito.
Dagdag pa niya, "Kagaya nung isang katukayo niya, itong Sarah D hindi rin tinamaan ng hiya sa pag-flex ng mga luho. Hindi inspirational ang pangungulimbat. Hindi po pang FYP ang inyong na-SOP sa korapsyon."
Iginiit din ng Deputy Minority Leader na dapat ibalik ang patakaran ng paglalathala ng mga SALN ng mga pampublikong opisyal upang mapigilan ang katiwalian.
"We should embrace the moral outrage of our citizens. Kasama ang mamamayan sa pagsugpo ng katiwalian–hindi sila tagasubaybay lang," ani Cendaña.
Nitong mga nakaraang linggo, nag-viral sa social media ang panayam ng mag-asawang Sarah at Curlee Discaya sa mamamahayag na si Julius Babao noong 2024, kung saan ipinakita nila ang kanilang 40 luxury cars. Umani ito ng mga samu't saring reaksyon mula sa netizens.
Matatandaang kabilang ang dalawang pang kompanya ng mga Discaya na Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp. at St. Timothy Construction Corporation sa top 15 contractors na pumaldo umano sa flood control projects batay sa impormasyong isiniwalat mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..
Maki-Balita: KILALANIN: Sino-sino may-ari ng 15 contractor companies na pumaldo sa pondo ng flood control project?
HINDI PAGDALO NI SARAH DISCAYA SA SENATE HEARING
Hindi dumalo si Discaya sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee noong Agosto 19, patungkol sa maanomalyang flood control projects.
Sa isinagawang imbestigasyon ng naturang komite, kabilang si Discaya sa mga nagpadala ng excuse letter dahil sa umano’y prior commitment.
“An invitation was sent to her, but she sent an excuse letter saying that she had a prior commitment,” saad ni Atty. Rodolfo Noel Quimbo, tumatayong Director General ng Blue Ribbon Oversight Office Management.
Ayon kay Quimbo, 15 contractor umano ang pinadalhan ng imbitasyon upang humarap sa nasabing pagdinig. Ngunit 11 lang umano ang tumugon at pito lang umano sa mga ito ang nagpadala ng kinatawan.
Maki-Balita: Discaya, 'di sumipot sa imbestigasyon ng Senado sa flood control projects