Sang-ayon si Vice President Sara Duterte sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. hinggil sa pagsasagawa ng "lifestyle check" sa mga government official, kaugnay sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control project.
Sa pagbisita ng magkakapatid na Duterte sa kanilang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte sa detention facility ng International Criminal Court (ICC), sinagot ang patungkol sa mga anomalya at kasangkot sa flood control projects ng ilang lungsod, munisipalidad, at lalawigan sa Pilipinas.
Unang naitanong kay VP Sara kung sang-ayon ba isya sa mga alkalde na magsasampa ng kaso sa kanilang mga mambabatas na mahuhuling kasangkot sa “ghost” projects.
“Yes, oo. Trabaho ng Commission on Audit (COA) na mag-imbestiga kung mayroon silang makita na anomalya sa mga project,” anang Bise Presidente sa isang panayam nitong Huwebes, Agosto 28 (oras sa Pilipinas)
“Dapat talaga panagutin ‘yong public officials at ‘yong contractors ng ghost projects at ng substandard projects dahil delikado ‘yon sa mga mamamayan,” dagdag pa niya.
Para kay VP Sara, hindi dapat huminto ang kasalukuyang administrasyon sa usapin kaugnay sa nasabing proyekto.
“Wag tayong tumigil sa flood control projects dahil noong 2024, nagsabi na ako sa school building program pa lang ng Department of Education (DepEd), pinaghati-hatian ng members of the House of Representatives, pero walang nag-react. Eh hanggang ngayon walang nagsasalita, walang nag-iimbestiga. Hindi lang naman flood control eh,” pahayag nito.
Hinimok din ng Bise Presidente na silipin ang buong budget ng taong 2024 at 2025 at sagutin ang mga umano’y blangko sa nasabing budget. Hindi lamang aniya flood control project ang umano’y isyu, kundi marami pa raw na dapat kaharapin ang gobyerno.
“Kaduda-duda kung bakit bigla ngayon meron tayong imbestigasyon sa flood control projects. Kung seryoso talaga sila, si BBM alam niya ‘yan kasi governor siya dati, mayor ako dati. Alam nating lahat kung ano ‘yong anomalya, ano ‘yong korapsyon sa budget ng gobyerno.”
At nang tanungin tungkol sa kamakailang direktiba ni PBBM na “lifestyle check” ng mga opisyal, sinang-ayunan niya ito.
“Oo, dapat lang. Hindi lang ‘yong elected public officials, pati ‘yong mga appointed public officials. Hindi lang ‘yong mga on the surface na sasabihin nating kung ano ‘yong mga nakalagay sa SALN, dapat deep dive kung sino ‘yong mga dummy. Ilabas ‘yong mga dummy ng public officials," ayon pa sa Bise Presidente.
Matatandaang ipinag-utos ng Pangulo ang pagsusuri sa pamumuhay ng mga opisyal ng gobyerno sa gitna ng gumugulong na imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Ibinahagi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang anunsyong ito sa kaniyang press briefing noong Miyerkules, Agosto 27.
Nicole Therise Marcelo, Sean Antonio/BALITA