Nagbigay-pahayag si Pasig City Mayor Vico Sotto sa mga kaanak ng mga politiko o government contractors na nagfe-flex ng kanilang yaman sa social media.
"Ang hirap ano kasi wala naman masamang maging mayaman kung galing 'yan sa maayos na paraan, kung pinaghirapan 'yan wala namang masama. Of course, as public officials we have the code of ethics [...]," saad ni Sotto sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News.
"Pero siguro 'yong nakita talaga nating connected sa kontraktor, sila naman nag-post no'n online, 'di ba? So, bigyan natin sila ng atensyon kung gusto nila," giit nito.
Mula nang pumutok ang balita patungkol sa flood control projects, isa-isa nang nadadawit ang mga pangalan ng mga social media personality o vlogger na nagfe-flex ng kanilang lavish travel at lifestyle sa social media, dahil sila ay konektado o kamag-anak ng politiko at kontraktor ng maanomalyang flood control projects.
Kaugnay na Balita: Kilalanin: Sino nga ba ang pinag-uusapang si Claudine Co?
Bagama't naging katanggap-tanggap at hinahangaan noon ang mga bagay na ito, ngayon ay unti-unti na umanong napapaisip ang mga tao dahil sa kontrobersyal na flood control projects, ayon sa alkalde.
"I guess, everything that's happening now [is] for the better. Napapaisip na tayo ngayon. Kapag may nakita na tayo na ipinagmamalaki 'yong travels, luxury cars, nasa yate nagpaparty... Ngayon, napapaisip tayo. Napapaisip na tayo," ani Sotto.
"Kasi ako marami naman akong kakilalang mayayaman, may malalaking negosyo pero hindi naman gano'n," dagdag pa niya.
"Sabi nga, dati ang mga usong kuwento, from rags to riches. Ngayon daw ang uso nang kuwento, from robs to riches. Kaya medyo nakakalungkot."
LIFESTYLE CHECK SA MGA OPISYAL, UTOS NI PBBM
Samantala, ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsusuri sa pamumuhay ng mga opisyal ng gobyerno sa gitna ng gumugulong na imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Ibinahagi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang anunsyong ito sa kaniyang press briefing noong Miyerkules, Agosto 27.
Matatandaang noong ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni PBBM, tahasan niyang sinita ang mga kontraktor na nasa likod ng naturang proyekto.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad ni PBBM.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Ang pagpuna ng Pangulo, nasundan ng paglulunsad ng isang website na tinawag na “Sumbong sa Pangulo,” isang flood control tracker na maaaring direktang pagsumbungan ng taumbayan hinggil sa mapapansing mga anomalya sa konstruksyon ng mga flood control project.
KAUGNAY NA BALITA: 'Sumbong sa Pangulo' flood control tracker, inilunsad ni PBBM: 'Ako mismo ang babasa!'
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga lugar na talamak ang flood control projects