Nagsampa ng ethics complaint ang tatlong abogado laban kay Sen. Risa Hontiveros ngayong Huwebes, Agosto 28 sa Office of the Secretary General sa Senado.
Ayon sa complaint affidavit na isinumite nina Atty. Ferdinand Topacio, Atty. Manuelito Luna, at Former Negros Oriental Representative Atty. Jacinto Paras, nanawagan sila na maimbestigahan si Hontiveros.
Nais nila umanong sumailalim sa imbestigasyon ang nasabing senador at malagay sa kaparusahan kagaya ng suspensyon o pagpapatalsik sa puwesto.
Kaugnay ang reklamong inihain ng mga abogado sa pag-aakusa ng “disorderly behavior” kaugnay sa panunuhol, at pagkuha umano ng senador sa menor de edad na siyang tumestigo laban sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) noon.
Isa sa mga sinabing rason sa reklamo ay ang kalaunang pag-amin ng tumestigong si Michael Murillo na binayaran siya umano ng ₱1 milyong piso ng senadora kapalit ng pagsisinungaling laban lider ng KOJC ba si Pastor Apollo Quiboloy, dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Ikalawa, ang umano’y pagsisiwalat sa sinumpaang salaysay ng dating empleyado ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na si Mark Clarence Manalo na nakita niya umano ang tauhan ni Hontiveros na si Atty. Jaye Bekema, kasama ang kaniyang drayber na si Ryan T. Tazo na ibinigay ang pera sa isang nagngangalang “V-jay” upang magsalita sa imbestigasyon ng Senado noong 2021.
Isa pa sa mga nasilip ng mga abogado ay ang paglalagay umano sa kustodiya noon ni Sen. Hontiveros sa tatlong menor de edad na sina Sheen, Faith, and John Roy na sila umanong potensiyal na testigo hinggil sa pagkamatay ni Kian delos Santos noong 2017 nang walang pag-uutos ng korte o pahintulot ng mga magulang ng mga ito.
Samantala, agad naman itong sinagot ni Sen. Hontiveros sa naging pagdinig ng Senate Committee on Ethics ngayon ding Huwebes, Agosto 28.
“Recycled lies, harassment. Ano pa nga ba? Ako naman ay buong loob kong haharapin yung complaint nila once na mabasa ko.” depensa ng senador.
Dagdag ni Sen. Risa, “So, kung anuman yung kanilang dahilan, basta't kung may ethics complaint, gaya ng nabanggit ko, babasahin ko yan at haharapin ng buo.”
Sinagot din ng senador ang katanungan kung naaabala ba siya ng ginawang aksyon ng mga abogado.
“Bothered in the sense na ang dami-daming namin trabaho ang ginagawa dito sa Senate. May mga drama pa dyan, pero sige lang, di po kami magpapa-distract dyan. Basta pagka-file nila, babasahin namin ang complaint at haharapin namin ang buong-buo.”
Ayon sa mga abogado, maaaring masampahan ng “disorderly behavior” si Sen. Hontiveros alinsunod sa Artikulo VI, Seksyon 16(3) mula sa 1987 na Konstitusyon kung saan nabibigyan ng kapangyarihan ang Senado na magparusa sa sinomang miyembro ng kanilang ahensya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita