Nagbato ng isang hamon si Manila 6th District Rep. Bienvenido ‘Benny’ Abante kay Acting Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na ibunyag ang tunay na kalakaran sa likod ng pagbaha sa Davao City, kasabay ng pahayag ng huli na “PR stunt” lamang umano ang imbestigasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa flood control projects.
Ani Abante, si Congressman Pulong Duterte ang tanungin niya ukol sa budget na mayroon sila.
"Ako ang suggestion ko kay Mayor Baste, tanungin niya 'yong kaniyang kapatid na congressman. Magkano ba ang pondong nakuha ni Congressman Pulong noong congressman siya noong panahon ng kaniyang father?” anang mambabatas.
“Magkano po ‘yong nakuha, i-reveal niya kung magkano, kung saan ginamit... ang pondong yan. Kung papaano ginamit ‘yan, kung ilang bilyon ang napunta sa flood control projects, at kung bakit malaki pa ang baha sa Davao,” dagdag pa niya.
Ayon pa kay Abante, nararapat umanong tanungin ng acting mayor sa kaniyang kapatid ang totoo, kung talaga bang PR stunt lamang ang mga lumabas na pahayag, o marahil totoo ang mga iyon.
Matatandaang nagbigay ng pahayag kamakailan si Acting Davao City Mayor Baste Duterte na “PR stunt” lang umano ang mga ipinakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagkilatis at pag-imbestiga ukol sa mga maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang parte ng bansa.
Vincent Gutierrez/BALITA