Dumalo sa isang panayam ang Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner na si Romeo Lumagui Jr. kaugnay sa usapin ng flood-control projects.
Nabanggit ni Commissioner Lumagui na may nakatakda silang paraan para imbestigahan ang mga “ghost companies” na nailista tungkol sa flood-control projects.
Ayon kay Lumagui sa True FM ngayong Huwebes, Agosto 28 nilinaw niyang mahahanap pa rin nila ang mga nasa likod ng nasabing ghost company sa pamamagitan ng pagtingin ng mga records na nagsulong sa mga nasabing proyekto.
“Unang una, ang gagawin natin dyan ay titingnan natin kung sino-sino ‘yong mga stockholders niyan [ghost company], mga directors niya, at ‘yong mga officers,” pag-iisa-isa ni Lumagui.
Aniya, wala ring takas maging ang mga nag-file ng transaksyon ng isang proyekto at maging ang mga accountant na imposibleng wala umanong nalalaman kaugnay sa nasabing ghost companies na may ginawang flood-control projects.
“Tapos kung sino-sino ‘yong may transactions dyan is siguradong may nagpa-file din diyan. So ‘yong accountant din, titingnan din natin kung sino itong accountant na ito at isasama natin sa mga kakasuhan,” saad ng Commissioner.
Dagdag pa niya, “Dahil kung ghost company ‘yan ay imposibleng naman hindi alam noong accountant yan.”
Kasalukuyan na ngayong tumutulong sa pag-iimbestiga ang BIR kaugnay sa mga kaso ng maanomalyang flood-control projects sa pamamagitan ng pagsisiyasat ng mga resibo ng buwis na inilaan ng mga contractor sa mga proyektong kanilang ginawa.
“Unang una, magbabayad sila ng income tax [o] ‘yong value added tax nila. Although ‘yong DPWH (Department of Public Works and Highways), bago sila dapat nagbabayad, dapat nagwi-withdraw sila,” paglilinaw ni Lumagui.
Pahabol pa niya, “[D]apat din ay humingi sila ng tax clearance diyan bago magbayad. So generally, ‘yong income tax at value added tax ang kinakailangan nilang bayaran.”
Paliwanag ng commissioner, ‘yong una munang 15 na kaso ng ghost projects ang kanilang iimbestihan at kung madaragdagan pa ito ay baka bumuo sila ng “special team” para mabusisi sa imbestigasyon ng kanilang ahensya.
KAUGNAY NA BALITA: DPWH Sec. Bonoan, inaming 'ghost projects' ilan sa flood-control projects ng Wawao Builders!
KAUGNAY NA BALITA: 3 kumandidatong Senador noong 2022, nakatanggap umano sa mga contractor ng flood control projects—COMELEC
Mc Vincent Mirabuna/Balita