Nagpahayag ng matinding pag-aalala si Senador Mark Villar sa mga ulat na posibleng nagsumite ang ilang kontratista ng mga peke o palsipikadong geotagged na litrato ng mga proyekto ng gobyerno upang makatanggap ng bayad.
“Ang tanong: nagsumite ba ang mga kontratistang ito ng pekeng Geotagged photos? Kung oo, malinaw na Fraud ito,” ani Villar. “Hindi dapat nakasingil sa gobyerno ang sinumang kontratista gamit ang panlilinlang.”
Binigyang-diin ni Villar na noong siya’y nanunungkulan bilang Kalihim ng DPWH, kaniyang ipinag-utos ang paggamit ng Geotagging bilang mahalagang hakbang para sa transparency at accountability. Hindi lamang ito ipinatutupad kapag tapos na ang proyekto, kundi maging habang isinasagawa ang mga ito, upang matiyak na ang mga litrato ay may tamang oras at lokasyon at hindi madaling dayain o baguhin.
“Ang layunin ng mandatory Geotagging ay para masiguro ng gobyerno at ng publiko na ang proyekto ay tunay na ginagawa, kung saan at kailan ito nakatakda. Kung may mga kontratista na gumagawa ng paraan para lokohin ang sistema, iyon ay malinaw na abuso sa tiwala ng taumbayan at dapat imbestigahan nang mabuti,” dagdag ni Villar.
Iginiit pa niya na ang pagsusumite ng pekeng dokumento ng proyekto—kabilang ang mga pinalsipikong Geotagged photos—ay malinaw na Fraud at dapat papanagutin nang buong bigat ng batas. Nanawagan si Villar sa mga kaukulang ahensya na papanagutin ang mga tiwaling kontratista at tiyakin na maprotektahan ang pondo ng bayan laban sa ganitong uri ng panloloko.