Kinompronta ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Agriculture (DA) patungkol sa mga smuggler ng gulay na hindi napapanagot at nakukulong.
Sa isinagawang pagdinig ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform sa Senado nitong Martes, Agosto 27, sinabi ni Tulfro na ilang beses na raw niyang sinubukang itanong ang tungkol dito ngunit hindi siya makakuha ng malinaw na sagot.
“Tinanong ko na ‘to many times tuwing mga hearing,” saad ni Tulfo. “Hindi ako nasasagot ng mga DA. Hindi ko alam kung bakit. Sila ho ba ay tanga? Or sila ay tamad? I don’t know. Dapat nasasagot n’yo po to, e.”
Dagdag pa niya, “Wala pa akong alam na smuggler ng gulay na nakakulong ngayon. Mayro’ng mga nakakasuhan pero nakakawala. Bakit? ‘Di ba dapat back up ‘yong Agri? Dapat nakatutok kayo?”
Samantala, depensa naman ni DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., wala umano silang kapangyarihan para mapanagot ang mga nasa likod ng kontrabando.
“While gusto ko rin ho ‘yong gusto ninyo,” sabi ng kalihim, “na magkaroon ng nakaposas, makulong, non-bailable, kung puwede ngang maibaon na sa kulungan ‘yan nang matagal-tagal, ‘yan din ho ang hangarin ko dahil galit ako diyan. Ang problema, wala kaming powers. ‘Yan ang total, honest, truth diyan.”
Gayunman, tiniyak ni Laurel na nakatutok umano ang ahensya niya sa naturang kaso. Sa katunayan, ayon sa kaniya, sa ilalim ng kaniyang liderato may pinakamaraming nahuling smuggler.