Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagsusuri sa pamumuhay ng mga opisyal ng gobyerno sa gitna ng gumugulong na imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Sa isinagawang press briefing nitong Miyerkules, Agosto 27, ibinaba ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang anunsiyong ito mula sa pangulo.
Ayon kay Castro, “Ipinag-utos ni Ferdinand Marcos, Jr. ang pagkakaroon ng lifestyle check sa lahat ng mga opisyal sa gitna ng imbestigasyon patungkol sa maanomalyang flood control projects."
Kaya naman ang imbestigasyon umano ng pangulo sa maanomalyang proyekto ay hudyat din sa bawat ahensya na gawin ang kani-kanilang trabaho.
Aniya, “Sa ginagawa pong pag-iimbestiga ng pangulo dito, ito naman po ay hudyat na rin po sa ibang government agencies like COA, BIR, LGUs, Bureau of Customs. Marami tayong nakikita na maraming nagkakaroon ng luxury cars. Malamang dapat ay makita rin ito ng BOC kung ito po ay bayad sa mga taxes na required."
“Hindi po natin maikakaila na mayro’ng mga DPWH [Department of Public Works and Highways] officials na sinasabing involved. At malamang ay magsimula sila do’n,” dugtong pa ng Palace Press Officer.
Sa ngayon, pawang mga opisyal pa lang umano ng DPWH ang nababanggit ng pangulo na sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ngunit tiniyak naman ni Castro na papangalanan din umano kalaunan ang mga malalaking politiko posibleng kasabwat dito.
“Sinabi rin ng pangulo na hindi ito titigilan at tatapusin niya ito bago siya matapos ng termino,” anang Palace Press Officer.
Dagdag pa niya, "Magdedemanda po talaga, sasampahan ng kaso ang dapat sampahan ng kaso. Walang sisinuhin, walang malapit sa puso, walang kaalyado, kung sino man ang involved dito, sasampahan ng kaso.”
Matatandaang binakbakan ni Marcos sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang mga umano’y nangurap sa flood control project na lalong nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad niya.
MAKI-BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'