Bukas umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para makipagdiyalogo kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong patungkol sa maanomalyang flood control projects.
Sa isinagawang press briefing nitong Miyerkules, Agosto 27, kinumpirma ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro ang balitang nagsumite umano si Magalong kay Marcos ng mga dokumentong naglalaman ng ulat patungkol sa anomalya ng naturang proyekto.
“Opo,” sabi ni Castro. “Nakapag-submit po ng mga dokumento si Mayor Magalong kay Pangulo. At ang pangulo naman po ay open na makausap si Mayor Magalong.”
“Kahit naman po sino ay open ang pangulo kung ito naman po ay patungkol sa mga anomalyang flood control projects. Kahit sino po, lalong-lalo na si Mayor Magalong, welcome po ang mayor,” dugtong pa niya.
Matatandaang binakbakan ni Marcos sa ikaapat niyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ang mga umano’y nangurap sa flood control project na lalong nagpalala ng baha sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat at mga bagyong Crising, Dante, at Emong.
“Mahiya naman kayo sa mga kabahayan nating naanod o nalubog sa mga pagbaha. Mahiya naman kayo lalo sa mga anak natin na magmamana sa mga utang na ginawa ninyo! Na ibinulsa n'yo lang ang pera!” saad niya.
MAKI-BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Sa kasalukuyan—ayon kay Castro—umabot na umano sa 11 proyekto ang personal na nainspeksyon ng pangulo kabilang ang sa Marikina, Iloilo, Bulacan, at Benguet.
Muli niyang hinikayat ang taumbayan na makialam at idulog ang mga kahina-hinalang flood control projects sa pamamagitan ng website na “Sumbong sa Pangulo.”