Sinagot ng Malacañang ang naging pahayag ng legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman.
Sa press briefing ni Palace Communication Officer (PCO) Undersecretary Claire Castro nitong Miyerkules, Agosto 27, 2025, iginiit niyang wala pa raw silang natatanggap na request mula kay Kaufman hinggil sa plano niyang makipagnegosasyon sa gobyerno ng Pilipinas sa pagbalik ni Duterte sa Pilipinas.
“Wala pa pong request kaming natatanggap,” ani Castro.
Dagdag pa niya, “It so hypothetical right now, so magbigay muna siya ng request.”
Matatatandaang inihayag ni Kaufman ang kaniya umanong interest na makipagnegosasyon sa isang livestream interview na ibinahagi ng Alvin and Tourism Facebook page noong Martes, Agosto 26.
“I have a request from the Philippines administration, the government. I'm still waiting to be invited. I wanna speak to you people,” ani Kaufman.
Saad pa niya, “I want to negotiate the former President’s return now to the Philippines.”
Matatandaang minsan nang iginiit ni Kaufman na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., umano ang dapat sisihin sa pagkakaaresto kay Duterte noong Marso 2025.
"The real prosecutor in this case is actually in Manila, sitting in his Palace. He's the person who threw [former] President Duterte over here to The Hague," ani Kaufman.
KAUGNAY NA BALITA: Kaufman, isinisi kay PBBM pagkakadetine ni FPRRD sa ICC
Matatandaang noong Marso 11 nang maaresto si dating Pangulong Duterte matapos magbaba ng arrest warrant ang ICC kaugnay ng reklamong "crimes against humanity" hinggil sa kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.
KAUGNAY NA BALITA: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD
Sa Setyembre inaasahang isagawa ang confirmation charges hearing kay dating Pangulong Duterte kung saan umaasa ang kaniyang kampo na maiaapela nila ang pansamantala niyang paglaya.
KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025