Isang video ni dating Philippine National Police (PNP) Chief Nicolas Torre III ang inulan ng mga espekulasyon matapos ang kaniyang pagkakasibak sa puwesto bilang hepe ng pulisya.
Sa nagkalat na video sa social media, mapapanood na escorted ng unit ng pulisya si Torre, na nakasakay sa isang land cruiser na may blinkers sa Tuguegarao City sa Cagayan.
Ayon sa mga ulat, ang nasabing video ay nangyari noon sa sa kasagsagan ng Pavvurulun Afi Festival kung saan panauhing pandangal si Torre. Subalit, puna ng netizens, pawang ang Presidente, Bise Presidente, Senate President, House Speaker at Chief Justice lang umano ang maaaring gumamit ng blinkers sa mga official vehicle.
Bunsod nito, hindi tuloy naiwasan na mga kuro-kuro na umano’y ito ang naging mitsa upang masibak ang hepe ng pulisya matapos daw itong mag-ala VIP nang mas mataas na posisyon.
“Akala mo Presidente yung lalabas eh.”
“Over confident na eh, umabuso yarn?”
“Masyado ka naman kasing nasobrahan, nakalimutang PNP Chief ka lang.”
“Baka ‘di ‘yan nagpaalam sa mga bossing n’ya na ayaw din masapawan hahaha.”
“Masyado kasing entitled eh.”
“Na-last parade ka tuloy diyan, deserve!”
Matatandaang noong Martes, Agosto 26, 2025 nang masibak sa puwesto si Torre bilang PNP Chief. Samantala, paglilinaw naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla, wala umanong nilabag sa batas si Torre sa naging mitsa nang pagkasibak niya sa puwesto.
“He did not violate any laws,” sabi ni Remulla. “He has not been charged with any violation. He's not been charged criminally. It is simply a choice of the president to take the redirection for the PNP,” ani Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, walang nilabag na batas—Remulla