December 13, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Kilala ako sa industriya, hindi talaga ako tumatanggap ng pera!'—Julius Babao

'Kilala ako sa industriya, hindi talaga ako tumatanggap ng pera!'—Julius Babao
Photo courtesy: Screenshot from Long Conversation via Julius Babao's IG

Muling ibinahagi ng batikang broadcast-journalist na si Julius Babao ang lumang video clip sa panayam sa kaniya nina Stanley Chi at Janno Gibbs, sa programang "Long Conversation."

Mababasa sa caption ng Instagram post ni Julius noong Martes, Agosto 26, ang pagdidiin niyang "super fake news" ang akusasyong nabayaran siya ng 10 milyong piso para sa panayam ng mag-asawang contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Sarah at Curlee Discaya.

"The P10 Million accusation is Super Fake News! People in the Media industry know me as one who can never be bribed by anyone in exchange for favors or for a story. "

"Sa interview na ito 10 months ago ni @jannolategibbs at @stanleychi sinagot ko yan," anang Julius.

Tsika at Intriga

'Parang mga barbaro, taong yungib pa rin mag-isip!' John Arcilla, gigil sa mga bayolente sa aso

Mapapanood naman sa video na tinanong siya ni Stanley kung magkano ang pinakamalaking halaga ng pera na inoffer sa kaniya ng isang politiko, na hindi raw niya tinanggap.

"Magkano 'yong pinakamalaking inalok sa inyong pera ng isang politiko na hindi mo tinanggap," aniya.

Sagot ni Julius, "Eversince, hindi talaga tayo tumatanggap. Kilala ako sa industriya, hindi talaga 'ko tumatanggap ng pera."

Sundot naman ni Janno, "Saka mayaman ka na!"

Paliwanag pa ni Julius, "Even bago pa tayo magkaroon ng magandang buhay..."

"Marami akong mga kasama noon na tumatanggap... pero ako, hindi talaga ako tumatanggap. Kasi nga, hindi 'yon ang foundation ng pagkatao ko."

Kahit daw noong nagsisimula pa lamang siya bilang isang TV production assistant, hindi raw talaga siya tumatanggap. Ikinuwento pa niya ang karanasan kung saan isa raw taga-PR ang lumapit sa kaniya at nag-abot ng pera, mula sa "boss" kung saan kinover ni Julius.

Nang ikonsulta raw ni Julius sa kaniyang boss ang ginawa ng taga-PR, iniutos daw nito sa kaniyang isauli ang pera.

Matatandaang nadawit ang pangalan ni Julius sa naging post kamakailan ni Pasig City Mayor Vico Sotto, hinggil sa ilang journalists na tumatanggap ng bayad para sa mga panayam.

Mariin naman itong itinanggi ni Julius mula sa mensaheng ipinadala niya sa Philippine Entertainment Portal o PEP.

“Walang katotohanang may 10 million na involved for this interview. Ang layunin ng vlog ay ma-inspire ang mga taong posibleng maging matagumpay kung magsisipag lang at didiskarte sa buhay,” saad ni Julius sa Cabinet Files ng Philippine Entertainment Portal (PEP).

Dagdag pa niya, "Very interesting kasi ang rags-to-riches story nila.”

Nilinaw din ni Julius na nangyari ang panayam sa mga Discaya noong hindi pa opisyal na kandidato at wala pang balak pumasok sa politika si Sarah.

Aniya, “No’ng mangyari ang interview, wala pang nabanggit na plano ang mag-asawa na papasukin nila ang politika.”

“Hindi pa din lumabas ang kahit anong isyu na may kinalaman sa kanilang mga government projects no’ng panahong ito. Ang nais lang nila noon ay ma-share ang kanilang success story sa publiko,” dugtong pa ni Julius.

Bukod dito, binanggit din ng broadcast-journalist na ang panayam sa mga Discaya ay hindi isang news report.

“Ito ay lifestyle feature para sa YT channel ko na naglalabas ng mga inspiring success stories,” paliwanag ni Julius.

KAUGNAY NA BALITA: Julius Babao sa ₱10M na bayad ng mga Discaya: ‘Walang katotohanan!’

Inirerekomendang balita