Humarap muli sa midya at mga Duterte supporters ang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Acting Mayor Baste Duterte sa The Hague, Netherlands noong Martes, Agosto 26.
Sa naging panayam kay Baste, nagbigay siya ng pahayag kaugnay kung nabanggit ba niya sa dating pangulo ang balita sa pagkakasibak sa puwesto ng dating Philippines National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas Torre III.
“Hindi ko nabanggit. Wala rin naman talaga akong pakialam na sa tao na yan,” saad ni Baste.
Iginiit din ng acting mayor na hindi umano taktika ang naging pagsibak kay Torre para lamang ilipat ito sa ibang departamento.
“Hindi ko talaga alam. Kasi kung naging Chief PNP ka na, tingin ko, demoted talaga siya. Wala nang mas mataas talaga diyan sa pagkapulis mo. Hindi ka naman puwedeng ilagay sa ibang appointed position like NBI,” pagpapaliwanag niya.
Ayon kay Baste, naniniwala siyang may "internal conflict" na naganap kaya natanggal sa puwesto ang dating heneral.
“Demoted siya, so tingin ko, may internal conflict talaga na nangyari diyan. Hindi rin naman clear ‘yong statement ng Malacañang kung bakit siya tinanggal,” anang Baste.
Dagdag pa ni Baste, nasisigurado niyang pamilya nilang Duterte o mga tagasuporta nila ang pupuntiryahin kahit sino man umano ang pumalit sa pagka-PNP Chief.
“I do not know these people. Pero I am sure kung may papalit man na PNP Chief dyan, may order talaga diyan na puntiryahin tayo. Iyon naman lagi,” suspetsa niya.
Pagpapatuloy pa niya, “[H]indi ka naman magiging Chief PNP kung wala kang gagawing katar*ant*d*han against sa aming mga Duterte o mga supporters natin.”
Samantala, nilinaw ng acting mayor na wala siyang nalalaman kung bakit ganoon ang naging pahayag ng senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng nasabing pagsibak kay Torre.
Matatandaang sinabi ni Dela Rosa na naaawa raw ito sa dating PNP chief.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato sa pagsibak kay Torre: 'Galit ako sa ginawa niya, pero ngayon naaawa ako sa kaniya!'
“Hindi ko alam kung bakit ‘yong statements [ay] ganoon. Politiko rin naman siya, so bahala siya sa sinabi niya,” saad ni Baste.
Sinabi rin ni Baste na kung anuman ang nakuhang gantimpala ni Torre sa paghuli sa kaniyang tatay ay tapos na ito dahil nasa International Criminal Court (ICC) na ang dating pangulo.
“Pero [para] i-materyal ‘yang kay Torre, tapos na yan lahat, e. So kung anoman ‘yong reward niya noong kinuha siya, wala na tapos na. Yong tatay ko nandyan na sa ICC,” aniya.
Matatandaang umugong ang paglabas ng balita na biglaang pagsibak kay Gen. Torre III noong Martes, Agosto 26 na inisyu ng Executive Secretary na si Lucas P. Bersamin noong Lunes, Agosto 25.
KAUGNAY NA BALITA: Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief
Si Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang papalit kay Torre bilang Chief of Philippines National Police (PNP).
KAUGNAY NA BALITA: Pagsibak kay Torre, 'new direction' ni PBBM sa PNP—Remulla
KAUGNAY NA BALITA: Remulla, walang masamang tinapay kay Torre
Mc Vincent Mirabuna/Balita