Tiniyak ng Disaster Response Management Group (DRMG) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na nakahanda na para sa distribusyon ang relief resources nito para sa mga maaapektuhan ng pag-ulan dala ng bagyo.
Sa Facebook post ng DSWD nitong Martes, Agosto 26, ibinahagi nitong sapat at nakaayos na ang mga Family Food Pack (FFP) sa mga warehouse na naka-istasyon sa buong bansa bilang antabay sa bagyo.
“Tuloy-tuloy pa rin naman po ang kahandaan ng ating ahensiya. Kaya’t huwag pong mag-alala ang ating mga kababayan dahil sapat po at may mga naka-preposition po tayong mga family food packs sa lahat po ng ating mga warehouses sa buong bansa,” saad ni DRMG Asst. Secretary Irene Dumlao.
“Mine-maintain po namin ang 3 million prepositioned FFPs po sa lahat ng aming mga warehouses para may maipamahagi kaagad sa ating mga kababayan, ayon na rin sa direktiba ng ating Pangulo na dapat ay walang magugutom sa panahon ng kalamidad,” dagdag niya tungkol sa bilang ng mga food pack.
Ayon din kay Dumlao, naka-high alert ang DSWD Field Offices at palaging nakikipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) sa mga lugar sa National Capital Region (NCR), Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, at Eastern Visayas bilang mga lungsod at lalawigang potensyal na pinaka-maaapektuhan ng mga pag-ulan.
At bukod sa mga FFP, nakahanda rin sa deployment ang mga mobile kitchen at mobile command centers sa mga apektadong lugar, partikular sa mga evacuation center ng mga LGU.
Sean Antonio/BALITA