December 13, 2025

Home BALITA National

Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief

Torre, sinibak sa puwesto bilang PNP Chief
Photo courtesy: via MB

Tinanggal sa puwesto bilang hepe ng Philippine National Police (PNP) si Police Major General Nicolas Torre III,  na pormal na bumulaga sa mga ulat ngayong Martes, Agosto 26.

Ito ay batay sa memorandum ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin, na inisyu noong Lunes, Agosto 25.

Nakasaad sa liham: "You are hereby relieved as Chief, PNP effective immediately."

"For the continuous and efficient delivery of public services in the PNP, you are hereby directed to ensure proper turnover of all matters, documents and information relative to your office."

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Hindi naman binanggit ni Bersamin ang dahilan ng pagsibak kay Torre.

Matatandaang noong Hunyo 2, nanumpa si Torre bilang 31st Chief ng PNP sa Camp Crame sa Quezon City, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.

Si Torre ay nagsilbi bilang hepe ng pulisya sa lalawigan ng Samar, Quezon City, at Davao region. Sa huling posisyon, pinamunuan niya ang operasyon ng pulisya upang ipatupad ang arrest warrant laban kay Pastor Apollo Quiboloy, tagapagtatag at pinuno ng Kingdom of Jesus Christ church, na kinasuhan ng human trafficking at iba pa. Tumagal ng 16 na araw ang pag-aresto bago nasukol ang nabanggit na dating senatorial candidate. Dahil dito, muntikan pa siyang madeklarang "persona non grata" sa lungsod.

Noong Marso 2025, bilang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), inaresto ni Torre si dating Pangulong Rodrigo Duterte batay sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) para sa umano’y mga krimen laban sa sangkatauhan.

Noong Hulyo, naging kontrobersiyal si Torre matapos ang naunsyaming bakbakan sana nila sa boxing ring ni Davao City Acting Mayor Sebastian "Baste" Duterte, matapos niyang kasahan ang hamong suntukan nito.

Itinanghal na "winner by default" si Torre matapos na hindi sumipot si Duterte sa kanilang laban noong Linggo, Hulyo 27.

KAUGNAY NA BALITA: Mayor Baste, pinalakpakan si Torre: 'Ikaw na bagong Pambansang Kamao!'

Ikinatuwa ni Torre ang pagtaas ng ratings ng PNP sa pinakabagong OCTA Research survey, sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Sa isinagawang press briefing noong Lunes, Agosto 11, 2025, iginiit ni Torre na mas pagbubutihan pa raw ng kanilang ahensya ang kanilang pagseserbisyo sa taumbayan.

"We will work even harder to sustain and further improve public trust and confidence," ani Torre.

Batay sa naturang survey result, nasa 71% ang trust rating na nakuha ng PNP, mas mataas ng 9 na puntos noong nakaraang survey ng OCTA habang nasa 73% naman ang nakuha nila sa performance rating na tumaas ng 11 puntos kumpara pa rin sa nakaaran nilang survey.

Sa ilalim ng liderato ni Torre, magmula nang hawakan niya ang PNP bilang hepe, marami siyang ipinatupad na programa katulad na lamang ng 5-minute response sa pamamagitan ng 911 hotline.

Tinatayang nasa 19 na pulis na rin ang nasibak sa puwesto sa unang buwan ng kaniyang pagiging PNP Chief.

KAUGNAY NA BALITA: Torre, ikinatuwa pagtaas ng ratings ng PNP: 'We will work even harder!'

Sa kabilang banda, kamakailan lamang, pinuna ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagtatalaga ni Torre ng ilang mga opisyal.

Sa resolusyong inilabas ng NAPOLCOM, ipinag-utos nito ang pagbalik sa kani-kanilang mga posisyon ng mga pulis na itinalaga ni Torre.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Anyare?’ NAPOLCOM, kinontra mga itinalagang opisyal na ipinosisyon ni Torre

Ayon pa sa NAPOLCOM, bagama't may kapangyarihan ang hepe ng pulisya na magtalaga at mag-reassign ng mga Police Commissioned Officers hanggang sa third-level position, nakasaad daw sa Section 26 ng Republic Act of 6975 na nasa kapangyarihan pa rin ng NAPOLCOM ang mag-review, approve, reverse at mag-modify.

Dagdag pa ng NAPOLCOM, "Any designation, assignments, reassignments without prior review and confirmation of the NAPOLCOM shall be deemed ineffective... Non-compliance with the requirements...shall subject accountable officers to administrative sanctions."

Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pagsuporta kay Torre ang National Capital Region Police Office (NCRPO) at Police Regional Office (CAR).

"The men and women of NCRPO express unshakeable support to the Chief, Philippine National Police and all of his legally-issued administrative and operational directives pursuant to the lawful exercise of his mandate as the duly-appointed leader of the country's police force," anang NCRPO.

Sa hiwalay namang pahayag ng CAR-PRO, nanindigan silang walang nilabag sa batas ang nasabing pagtatalaga ni Torre.

"These actions are not only lawful but essential in ensuring an efficient, disciplined, and mission-ready police force," anila.

Samantala, wala pang latest update kung ano na ang susunod na posisyong hahawakan ni Torre, o kung ano ang dahilan ng pagkakasibak sa kaniya sa tungkulin.